MANILA, Philippines- Mapananatili ang paglago ng Pilipinas sa pamamagitan ng mas malapit na pagtutulungan sa pagitan ng national at local government.
Sa isinagawang proclamation rally ng Team Marcos sa Laoag City, Biyernes ng gabi, tanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kailangan ng administrasyon ang tulong ng local government units (LGUs), mas nakakaalam ng pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.
Aminado ang Pangulo na limitado ang papel ng gobyerno sa pagpapatupad ng mga programa at estratehiya upang magdala ng kaunlaran sa local communities, mahalaga aniya ang papel ng LGUs para makamit ng kanyang administrasyon ang agenda para sa kasaganaan.
“Kung hindi po maganda ang ugnayan ng national government at local government, napakahirap po,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“‘Yung ibang ahensya namin, hanggang region lamang. ‘Yung ibang ahensya ng national government, ‘yung iba hanggang probinsya lamang. Kaya kailangan na kailangan pa rin namin ang tulong ng ating mga local government,” dagdag niya.
Ipinangako naman ng Pangulo na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang implementasyon ng mga programa na naglalayong paghusayin ang mga prayoridad sa aspeto ng agrikultura at healthcare system.
Tinuran pa ng Pangulo na titiyakin ng national government na maramdaman ng bawat rehiyon ang progreso kabilang na ang Ilocos Region, sa pamamagitan ng paglikha ng hanapbuhay at investment opportunities.
“Syempre, hangga’t maaari ay dadalhin namin lahat iyan dito sa Ilocos Norte para magkaroon tayo ng trabaho, para magkaroon tayo ang mas magandang kita, para mas maganda ang Laoag, para mas maganda ang Ilocos Norte,” ang tinuran ni Panguong Marcos.
“There would be smooth coordination between the national government and the LGUs if the administration-backed candidates win the midterm elections,” ayon sa Pangulo, nanawagan sa publiko na iboto ang Team Marcos slate, kabilang na ang kanyang anak na si Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos, naghahangad na muling mahalal.
“Ganoon kalapit ang aming pagsasama. Ganoon kalapit ang aming pag-uugnay para pagandahin ang Ilocos Norte. Kaya po dagdag sa pagpili sa pinaka magagaling, sa pinaka mahusay, sa pinaka sanay at pinaka magandang performance sa serbisyo publiko,” ang giit ni Pangulong Marcos.
“Bukod pa roon po ay hindi lamang sila ang magiging kakampi ninyo. Ang magiging kakampi natin ay ang buong national government na pinangungunahan ng inyong Pangulo,” aniya pa rin. Kris Jose