Home NATIONWIDE Tulong sa mga biktima ni Egay, Falcon pumalo na sa P275M –...

Tulong sa mga biktima ni Egay, Falcon pumalo na sa P275M – DSWD

MANILA, Philippines – Umabot na sa P275 milyon ang tulong na mga naipamahagi sa mga biktima ng kalamidad dulot ng habagat na pinalakas ng bagyong Egay at Falcon, sinabi ng opisyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Sabado, Agosto 5.

Ang halaga ay mula sa pinagsama-samang resources ng DSWD, local government units, at non-government organizations, ayon kay Chris Mathay, director ng DSWD Disaster Response and Management Bureau.

Nagamit ito para sa 3.2 milyong indibidwal na apektado ng habagat at ng dalawang bagyo.

“We take care of the mental health of our kababayans na affected by disasters,” sinabi ni Mathay.

“We also have this camp management coordination program sa mga evacuation centers. May mga social workers tayong tumutugon sa mga problemang ganiyan,” dagdag pa niya.

Nasa kabuuang 868,000 pamilya mula sa 5,000 barangay sa 12 rehiyon ang naapektuhan ng masamang panahon sa mga nakalipas na linggo.

Mayroon pang nakaabang na P1.8 bilyon halaga ng stockpile items at P2.2 bilyon halaga ng standby at quick response funds ang pamahalaan.

Sinabi naman ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na tutulungan nila ang mga pamilyang nasiraan ng bahay dahil sa Super Typhoon Egay.

Bumili na ng mga materyales ang Office of Civil Defense para maibigay sa mga residente at maayos na ang kanilang partially o totally damaged houses. RNT/JGC