MANILA, Philippines- Iniimbestigahan na ng pamahalaan ang ulat ng ilang biyahero na tinatanggihan umanong makasakay ng eroplano dahil sa kanilang depektibong pasaporte.
Ito ay kasunod ng hinaing ng social media user na si Diana Natividad na ang kanyang tatay ay hindi pinayagan ng Cebu Pacific na sumakay sa kanyang flight patungong Bali, Indonesia noong Abril 15 nang matuklasan ng isang personnel na may maliit na punit sa kanyang pasaporte.
Nakasaad sa mga nailathalang abiso mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) na sa ilalim ng Philippine Passport Act, ang isang pasaporte ay itinututring na isang nasirang dokumento sa paglalakbay kung ang pisikal na kondisyon nito ay binago dahil sa pagkasira, pagtanda, kapabayaan o iba pang mga kadahilanan na nagiging sanhi ng pagkasira o depekto nito.
Nagdetalye sa mga abiso na ito na ang isang pasaporte ay itinuring na mutilated kung ang pahina ng datos nito ay hindi na nababasa o may anumang impormasyong nawawala.
Sa ganitong mga kaso, obligasyon ng airline na iberipika ang kondisyon ng travel document.
Sinabi ni Department of Transportation Seretary Vince Dizon na ang DOTr at ang Civil Aeronautis Board ay nagsasagawa ng imbestigasyon ayon sa mga protocol.
Sinabi ni Dizon na ipinatawag ng DOTr ang Cebu-Pacific, pati na ang lahat ng international carriers–para tiyaking mahigpit nilang iberipika ang kondisyon ng passport ng isang pasahero. Jocelyn Tabangcura-Domenden