MANILA, Philippines – Beripikahin ng Philippine National Police (PNP) ang mga ulat na ang mga iligal na droga na nasamsam sa Laos at Thailand ay nakatakdang dalhin sa Pilipinas, dahil wala pang sapat na ebidensiyang nagpapatunay na dito talaga ang destinasyon ng mga ito.
Ayon kay PNP Public Information Office chief PCol. Allen Rae Co nitong Biyernes, nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa kanilang mga katapat sa ibang bansa upang matukoy ang tunay na destinasyon ng mga nakumpiskang droga at kung may mga Pilipinong sangkot.
“It’s too early to conclude. It’s premature pa na sabihin natin,” ani Co, na binigyang-diin na hindi pa suportado ng matibay na ebidensiya ang mga alegasyon.
Batay sa paunang impormasyon, isang pribadong jet na pag-aari ng Malaysian ang lumapag sa Laos, kung saan umano isinakay ang mga droga para dalhin sa Pilipinas. Gayunman, wala pang naibibigay na dokumento o ibang ebidensiya na nagpapatunay na Manila ang destinasyon ng kargamento.
Sinabi ni Co na susuriin ng mga imbestigador ang flight plan, cargo manifest at iba pang kaugnay na rekord upang matukoy ang aktuwal na ruta at destinasyon. Iniimbestigahan din ng PNP ang mga ulat tungkol sa mga drogang nasamsam sa Thailand na umano’y nakatakdang dalhin sa Pilipinas, kabilang ang mga ipinadaan sa dagat.
Nakikipag-ugnayan ang PNP Drug Enforcement Group (PDEG), mga lokal na pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga awtoridad sa ibang bansa upang linawin ang magkakahiwalay na insidente.
Nagbabala si Co laban sa agarang pag-uugnay sa Pilipinas sa mga nasamsam na droga batay lamang sa pahayag ng mga dayuhang awtoridad.
“ These are all unconfirmed. Nahuli sa kanila, it’s so very easy to point fingers kung saan papunta. But we will have to look kung ano talaga ‘yung nakasulat sa manifest, nakasulat sa destination,” ani Co.
Patuloy ding minomonitor ng pulisya ang mga hinihinalang international drug syndicate, kabilang ang posibleng paggamit sa Pilipinas bilang transshipment point o huling destinasyon ng iligal na droga.
Binanggit ni Co ang mga naunang pagkakasamsam ng mga paketeng hinihinalang naglalaman ng droga sa dagat, gayundin ang mga operasyong nakabatay sa intelligence na nagresulta sa pagkakahuli ng mga kontrabando sa mga paliparan at pantalan.
“Marami tayong nahuli na paparating dito. Hindi naman ‘yun tsambahan lang. Those were intelligence-driven operations na meron tayong nakukuhang mga impormasyon,” ani Co.
Dagdag niya, kung mapatutunayang sa Pilipinas talaga nakatakdang dalhin ang mga nasamsam na droga, ikinagagalak ng mga awtoridad na naharang ang mga ito bago makarating sa bansa. Gayunman, iginiit niyang hindi pa kumpirmado ang naturang alegasyon. RNT/MDS