PANGASINAN – Pinaghahanap na ang mala-anacondang dambuhalang sawa sa bayan ng Calasiao.
Nitong mga nakaraang araw ay trending sa mga balita at social media ang nasa mahigit 20 talampakan na haba at ga-poste ng kuryente ang taba na balat ng ahas.
Nabalat ng takot ang mga residente ng Barangay Bued sa nakitang balat ng ahas na ayon sa mga awtoridad ay hinihinalang reticulated python.
Sa Facebook post ni Calasiao Mayor Kevin Roy Macanlalay, sinabing nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO ), Municipal Environment and Natural Resources Officer (MENRO) at mga opisyal ng barangay sa Bued, sa masukal na lugar kung saan posibleng nagtatago ang sawa.
Nauna nang iniulat ng mga residente ang pagkawala ng kanilang mga alagang hayop.
Bilang paghahanda, nagtalaga ang mga awtoridad ng mga lugar kung saan posibleng nagtatago ang ahas at naglagay ng babala para iwasang puntahan ito ng mga tao. RNT