MANILA, Philippines – Ikinagalak ng Department of Health (DOH) ang pag-apruba sa United Nations resolution na sumusuporta sa “co-investment” para sa mga bansang nagpapadala ng health workers gaya ng Pilipinas.
Sa 79th World Health Assembly sa Geneva, inaprubahan ang pag-amyenda sa 2010 WHO Global Code of Practice on the International Recruitment of Health Personnel.
Kabilang sa mahahalagang pagbabago ang paghikayat sa mga bansang tumatanggap ng health workers na tumulong o mag-invest din sa health systems at workforce ng pinanggagalingang bansa.
Ayon kay DOH Undersecretary Albert Domingo, matagal nang nagpapadala ang Pilipinas ng nurses, doktor, midwife at caregivers sa ibang bansa kaya nararapat lamang na makinabang din ang bansa.
“Ang tanong, ano ba ang nagiging benepisyo para sa atin,” ani Domingo.
Sinabi niyang maaaring kabilang sa tulong ang scholarships at suporta sa mga pampublikong ospital upang mapalakas ang healthcare system ng bansa.
Hindi bababa sa 33 bansa ang sumuporta sa amyenda ng kasunduan.
Ayon sa WHO, ito ang unang pag-update sa kasunduan makalipas ang 16 na taon at layuning palakasin ang patas na sistema sa paggalaw ng health workers sa iba’t ibang bansa. RNT/JGC