Patuloy nating sinasaliksik at ibinabalita ang mga pinagmumulan ng climate change na nagpapainit ng mundo.
At nitong nagdaang araw lamang, sinasabi ng mga siyentipiko na nababahala sila sa “usok” ng mga eroplano na siyang malaking dahilan din ng pag-iinit ng mundo.
Kabilang sa mga pinag-aaralan nila ang napakaraming usok o contrails kung tawagin nila na tiyak umanong dahilan ng hindi paglabas ng sobrang init mula sa lupa patungo sa kalangitan.
Paliwanag ng mga siyentipiko, ang mga init mula sa haring araw na lumalapag sa lupa ay bumabalik at sumisingaw rin sa kalangitan.
Ngunit hinaharang ang mga nasabing pumapaitaas at sumisingaw na init ng araw ng mga nakabalandarang carbon dioxide, methane gas at contrails sa kalangitan, kaya naririyan ang pag-iinit ng mundo.
MARAMING CONTRAIL
Contrail ang tawag sa pinagsamang mga duming kemikal mula sa tambutso ng mga eroplano na humahalo sa mga hangin sa kalangitan at naging water crystal at nagmumukhang usok ang mga ito habang lumilipad ang mga eroplano.
Ang masama umano sa contrails, nagtatagal ang mga ito sa kalangitan at nakadaragdag sa mga gas o kemikal, kasama ang carbon dioxide, methane gas at iba na dahilan ng climate change.
At ang masama pa, parami nang parami ang mga eroplano na lumilipad nang mataas na mataas na lumilikha ng mga contrail.
Ito’y dahil sa paggusto ng mga tao na sumakay na lang sa eroplano sa halip na magbiyahe sa lupa at dagat na mabagal na, may marami pang mga sagabal.
Kasama sa mga eroplano ang mga private jet, military plane, at malalaking pampasahero at cargo plane.
ARAW-ARAW NAKIKITA
Araw-araw na tayong nakakikita contrails.
Sinasabi ng mga may alam sa eroplano na totoong mas malinis ngayon ang mga buga na kemikal ng mga bagong makina, gaya ng carbon dioxide, kumpara sa mga lumang makina.
Pero higit na nakalilikha ng usok ang mga bagong eroplano na may bagong makina dahil mas mataas nga ang kanilang mga lipad.
Kung karaniwang nasa 30,000 piye sa ibabaw ng karagatan ang lipad ng mga eroplanong luma, komersyal man o pribado, ngayon lagpas na sa 35,000 feet above sea level at mas mabilis ang biyahe dahil mas kokonte ang mga harang gaya ng hangin sa kanilang dinaraanan.
Pabor naman sa mga biyahero ang mas mabilis na biyahe ngunit malaking dahilan naman ang contrail sa pag-iinit ng mundo na kung lumikha ng panahon ay napakasama.
Dahil sa climate change, kung umiinit, sobra ang init na nakamamatay ng tao, hayop at pananim.
Sa pagkamatay ng hayop at pananim, diyan nagkukulang ang pagkain na nagbubunga ng malawakang gutom.
Kapag lumamig naman, naririyan ang pagdating ng sobrang lamig, malalakas na bagyo, siyam-siyam na ulan na lumilikha ng mga baha na nakamamatay rin at ikinahihirap ng maraming tao dahil sa nasisirang mga pagkain at hanapbuhay.
Ano-ano kaya ang mga gagawin upang maiwasan ang sobrang contrail sa kalangitan?