MANILA, Philippines – Pumalo na sa P16 trilyon ang total outstanding debt o utang ng pamahalaan ng Pilipinas sa pagtatapos ng Oktubre.
Ito ay dahil umano sa epekto ng pagbaba ng halaga ng piso laban sa US dollar.
Sa datos mula sa Bureau of the Treasury (BTr), ang total outstanding debt ay nasa P16.020 trilyon sa pagtatapos ng Oktubre o 0.8% o P126.95 billion na mas mataas kumpara sa P15.893-trillion balance sa pagtatapos ng Setyembre.
Samantala, 10.6% o P1.539 trilyon din itong mas mataas kumpara sa P14.480 trillion sa pagtatapos ng Oktubre 2023.
“The increase was primarily driven by the valuation impact of peso depreciation against the US dollar,” ayon sa BTr.
Ang domestic debt ay pumalo sa P10.889 trilyon sa nasabing buwan, o 0.4% (P46.42 billion) na pagbaba mula noong Setyembre.
Ito ay dahil sa P52.65-billion net redemption ng government securities, na na-offset ng P6.23-billion pagtaas sa peso conversion ng dollar-denominated debt.
Ang external debt naman ay nasa P5.130 trilyon, o mas mataas ng 3.5% o P173.37 bilyon mula sa nagdaang buwan.
“The increase was driven by net foreign loan availments totaling P20.47 billion, as well as foreign exchange movements, which added P152.90 billion to external debt,” sinabi ng BTr.
Matatandaan na sinabi ni Finance Secretary Ralph Recto noong Agosto na ang sovereign debt ng bansa ay maaaring lumobo ng hanggang P20 trilyon sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 2028.
Sa datos mula sa Department of Budget and Management (DBM), nakita na ang borrowing program para sa 2024 ay nasa P2.4 trilyon, o mas mataas sa P2.207 trilyon noong nakaraang taon. RNT/JGC