MANILA, Philippines – PINABULAANAN ng Malakanyang na ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kanyang mga Cabinet Secretary na magsumite ng courtesy resignation ay hakbang upang tahimik na alisin ang ilang opisyal.
“We have no update on that, if there is really a target secretary regarding this request for courtesy resignation. There is none, as of the moment,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Sinabi pa ni Castro na layon ng nasabing panawagan ng Pangulo sa kanyang mga CabSec ang ayusin ang mga prayoridad ng kanyang administrasyon at hindi ihinto o maging sanhi ng pagkaantala ng operasyon ng pamahalaan.
“Maliwanag din po ang sinabi ng Pangulo, hindi po maaapektuhan kung anuman po ang pending at existing projects habang ito ay may transition. At tuluy-tuloy lamang po ang pagtatrabaho ng mga Cabinet secretaries at ng mga tao sa gobyerno,” ang winika pa rin ni Castro.
Nilinaw pa ni Castro na mananatili pa rin naman sa kani-kanilang mga puwesto ang mga Cabinet members maliban na lamang kung pormal na tatanggapin ng Pangulo ang kanilang pagbibitiw, tiyakin na nagpapatuloy ang liderato at operasyon.
“Mas maganda po itong mapakita rin ng ating mga heads of agencies, Cabinet secretaries na sila ay naaayon sa goal ng Pangulo, ipakita nila na sila ay dapat na manatili bilang parte ng administrasyon ng ating Pangulo,” ani Castro.
“Sabi nga natin, walang puwang ang tamad at korap sa administrasyon ni Pangulong Marcos Jr..” aniya pa rin.
“This is not business as usual,” ang pahayag ng Chief executive.
sabay sabing “It’s time to realign government with the people’s expectations.” Kris Jose