Home METRO Van owner, driver na sangkot sa QC counterflow incident ipinatatawag ng LTO

Van owner, driver na sangkot sa QC counterflow incident ipinatatawag ng LTO

MANILA, Philippines- Nag-isyu ang Land Transportation Office (LTO) ng Cause Order (SCO) laban sa may-ari at driver ng isang van na sangkot sa counterflow incident sa Quezon City noong December 30.

Sinabi ng LTO nitong Biyernes na nilalayon ng kautusan na matukoy ang pagkakakilanlan ng driver sa insidente na nahagip sa video at nag-viral sa social media.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, hinarangan ng van driver ang daan ng iba pang motorista sa kahabaan ng Quirino Highway at nagpakita ng “reckless behavior,” kabilang ang pang-iinsulto sa iba pang road users.

“Matinding pambabastos ng ginawa ng driver, hindi lang sa batas, kundi pati na rin sa kapwa niya motorista. HIndi natin hahayaan na hindi mapanagot ang pagiging abusadong driver nito,” pahayag ni LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II.

Ipinatawag ang vehicle owner sa LTO Central Office at pinagsusumite ng written explanation kung saan idinedetalye kung bakit hindi dapat managot ang may-ari sa pagtanggap ng isang “reckless driver.”

Gayundin, inatasan ang driver na magbigay ng written explanation kung bakit hindi dapat suspendihin ang kanyang driver’s license. 

“Failure to appear and submit the required written explanations will be considered a waiver of your right to be heard, and the case will be resolved based on the evidence available,” saad sa SCO. RNT/SA