Home METRO Van rental owner pinagbabaril ng nakaalitan sa pustahan sa bilyar, utas

Van rental owner pinagbabaril ng nakaalitan sa pustahan sa bilyar, utas

MANILA, Philippines – PATAY ang isang 37-anyos na van rental owner matapos pagbabarilin ng nakaalitan niya sa pustahan sa larong bilyar sa Caloocan City.

Sa ulat nina P/SSg. Aldrin Mathew Matining at P/Cpl. Ariel Dela Cruz kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktimang si alyas “Mark”, ng Tambakol St. Brgy. 26 at suspek na si alyas “Jeday” habang nanonood ng larong bilyar sa Marcela billard hall matapos hindi magkasundo sa kanilang pagpupustahan, dakong alas-6:36 ng umaga.

Nagawa namang maawat ang dalawa at sinamahan pa ng isa si alyas Jeday palabas ng bilyaran subalit, sumunod sa kanila ang biktima at dito na siya binaril sa dibdib ng suspek.

Tinangka pang tumakbo ng biktima subalit, hinabol siya ng suspek at paulit-ulit na binaril sa likod kahit duguan ng nakasubsob sa bangketa sa harap ng isang resto bar sa A. Mabini St. Brgy. 26 na nagresulta ng kanyang agarang kamatayan.

Nakuha ng mga tauhan ng Northern Police District-Forensic Unit (NPD-FU) sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang 10 basyo ng bala ng kalibre .45 pistola na kanilang isasailalim sa ballistic examination.

Iniutos na ni Col. Lacuesta ang pagtugis sa suspek matapos umeskapo at hindi na abutan ng mga nagrespondeng tauhan ng Tuna Police Sub-Station-1 sa kanyang tirahan sa Int. Dimasalang St. Brgy 26. Rene Manahan