Home NATIONWIDE Vape stores na nagbebenta ng e-cigarettes sa mga minor tutugisin ng PNP

Vape stores na nagbebenta ng e-cigarettes sa mga minor tutugisin ng PNP

MANILA, Philippines- Tutukuyin ng Philippine National Police (PNP) ang mga may-ari ng e-cigarette stores malapit sa mga paaralan, sa layuning protektahan ang mga menor-de-edad matapos mahigit 6,700 ang maaresto mula Mayo 1 hanggang Disyembre 31 noong nakaraang taon dahil sa pagve-vape sa mga pampublikong lugar.

Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, isinasapinal pa ng PNP ang Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa Republic Act 11900, o ang vape law sa Pilipinas, upang matiyak ang pinag-isang implementasyon nito sa buong bansa.

Sa kasalukuyan aniya, patuloy ang konsultasyon ng PNP sa Department of Health (DOH) at sa Department of Trade and Industry (DTI) upang matukoy ang “best strategies” hindi lamang sa pagsigurong hindi makapagbebenta ng vape sa mga minor, kundi sa pagtitiyak na maaaresto ang mga magbebenta ng mga ito sa mga wala pa sa hustong gulang.

“Once we see violators, particularly those selling e-cigarettes near schools, definitely we will be coordinating with the DTI and the local government units to cancel the license to operate and of course, corresponding criminal cases will be filed against them,” ani Fajardo.

Batay sa datos ng PNP, mahigit 121,000 ang naaresto sa implementasyon ng RA 11900 at ng Executive Order 26, o ang pagbabawal na manigarilyo sa mga pampublikong lugar sa buong bansa, mula Mayo 1 hanggang Disyembre 31 noong nakaraang taon—mahigit 6,700 sa kanila ay mga menor-de-edad.

Dahil hindi maaaring iditine ang mga menor, pinalalaya ang mga ito.

Muling ipinanawagan ang kampanya laban sa paggamit ng vape matapos humingi ng tulong ni DOH Secretary Ted Herbosa sa PNP hinggil sa pagprotekta sa mga menor-de-edad laban sa vaping kasunod ng mga kumpirmadong ulat ng pinsala sa baga na nararanasan ng ilang menor, batay sa datos mula sa Lung Center of the Philippines.

“We are conducting coordination meetings with various government agencies and the intention of these meetings is to protect the minors,” giit ni Fajardo.

Gayundin, sinisilip ng PNP ang malawakang information drive upang hikayatin ang mga menor-de-edad na tigilan na ang paninigarilyo.

“We could do that (PNP holding lectures for minors). We are just finalizing and fine-tuning the implementing guidelines on how to really implement RA 11900 including if there is a need for our police officers to conduct lectures,” pahayag ni Fajardo.

“But I think the best people to conduct lectures are from the DOH because this is a health concern but the PNP is willing to assist with respect to law enforcement,” patuloy niya. RNT/SA

Previous articlePH aprub na sa WADA
Next articlePANAWAGAN: Pamilya ng pumanaw na lalaki sa Sta. Ana Hospital pinaghahanap