MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang mga botika at mga retailers na tiyaking madaling makakabili ng mga gamot na exempted sa value-added tax (VAT) ang mga mamimili.
“Dapat tiyakin ng mga drugstore at retailers na ang mga gamot na sakop ng VAT-free exemption ay madaling ma-access ng mga mamimili ayon sa itinakda ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Act,” sabi ni Gatchalian.
Ininderso ng Food and Drug Administration (FDA) sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang 17 pang ibang gamot na exempted sa 12-percent VAT – walo ay para sa diabetes, apat para sa cancer, at tatlo para sa mental illness o sakit sa pag-iisip.
Sa ilalim ng panuntunan ng BIR, ang bisa ng pinakabagong VAT exemption ay nagsimula na noong Nobyembre 25. Ito ang ika-6 na pagkakataon ngayong taon na in-update ng FDA ang listahan ng mga gamot na exempted sa VAT. Noong nakaraang Agosto lamang, isinama ng BIR sa listahan ang 15 na gamot, pito dito ay para sa cancer, lima para sa hypertension, dalawa sa sakit sa pag-iisip, at isa para sa high cholesterol.
“Natutuwa akong marinig na ang listahan ay pinalawak pa upang mas maraming mga kababayan natin ang makinabang sa VAT-free provision ng CREATE law,” sabi ni Gatchalian, co-author ng batas at chairperson ng Senate Committee on Ways and Means.
Binigyang-diin ni Gatchalian na dahil marami ang mga Pilipino na apektado sa mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin, mahalagang magbigay ng suporta ang pamahalaan para sa mga dumaranas ng mga karaniwang sakit tulad ng diabetes at hypertension.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang tatlong nangungunang sanhi ng kamatayan sa bansa noong 2023 ay sakit sa puso, cancer, at cerebrovascular disease.
“Dahil patuloy na nagdudusa ang marami sa ating mga kababayan sa mahal na presyo ng mga bilihin, importante na mabigyan sila ng suporta sa pagbili ng mga gamot,” dagdag ni Gatchalian. Ang inflation ay tumaas sa 2.3% noong Oktubre mula sa 1.9% noong nakaraang Setyembre. Ang pinakahuling inflation figure, gayunpaman, ay mas mababa sa 4.9% na naitala noong Oktubre 2023. Ernie Reyes