Home HOME BANNER STORY VAT exemption sa kuryente, internet target ng panukala ni Tolentino

VAT exemption sa kuryente, internet target ng panukala ni Tolentino

Malaking tulong ang pag-aalis ng kuryente at internet mula sa saklaw ng 12% value-added tax (VAT) sa pagsulong ng mga negosyo at mas mababang presyo. Kasama ito sa mga dahilang isinaad ni Senate Majority Leader Francis 'TOL' Tolentino sa paghahain ng Senate Bill No. 2970, na nage-exempt sa naturang mga serbisyo mula sa VAT.

MANILA, Philippines – Para pagaanin ang pasanin ng mga Pilipino sa pagbabayad ng mahal na serbisyo ng kuryente at internet, naghain si Senador Francis ‘TOL’ Tolentino ng panukala na naglalayong i-exempt ang naturang mga serbisyo mula sa 12% value-added tax (VAT).

Sa kanyang Senate Bill 2970, pinuna ng senador na ang Pilipinas ang may isa sa pinakamahal na halaga ng serbisyo sa kuryente sa buong rehiyon. Aniya, binabansot ng sitwasyong ito ang paglago ng ekonomiya at industriyalisasyon.

Sa kabilang banda, sinabi ni TOL na ang VAT exemption ng internet services ay tutungo sa digital inclusion. Magbibigay-daan ito aniya sa pagsigla ng digital economy at ng mga negosyong umaasa rito.

“Hindi matatawaran ang mahalagang papel ng elektrisidad at internet sa pang araw-araw nating buhay, lalo na sa edukasyon at remote work. Sa paglipat sa online platforms ng edukasyon, at sa flexible work arrangements naman ng maraming negosyo, ay lalong magiging krusyal ang mga serbisyong ito,” paliwanag ng senador.

“Sa pag-alis ng VAT sa elektrisidad at internet, pagagaanin ng gobyerno ang kalbaryo ng mga konsyumer at negosyante, at mas sisigla ang pamumuhunan at ekonomiya,” diin pa nya.

Inaameyandahan ng SB 2970 ang Section 108 ng National Internal Revenue Code of 1997 sa pamamagitan ng pag-aalis ng serbisyong kuryente mula sa saklaw ng VAT.

Inaalis nito ang VAT sa pagbebenta ng elektrisidad ng generation, transmission at distribution companies, mga kooperatiba ng kuryente, at sa bentahan at serbisyo ng internet service providers (ISPs).

“Ang ating ultimong layunin ay para pababain ang presyo ng mahahalagang bilihin, at iangat ang kalidad ng buhay ng ating mga kababayan,” pagtatapos ni Tolentino. RNT