MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Department of Energy (DOE) na tataas ang presyo ng gasolina sa susunod na linggo, habang bababa naman ang presyo ng diesel at kerosene.
Ayon kay DOE Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, batay sa datos ng international trading sa nakalipas na apat na araw, ito ang inaasahang galaw ng presyo:
Gasolina: Tataas ng ₱0.40 hanggang ₱0.70 kada litro
Diesel: Bababa ng ₱1.30 hanggang ₱1.60 kada litro
Kerosene: Bababa ng ₱0.85 hanggang ₱1.00 kada litro
Ang mga pagbabago sa presyo ay dulot ng ilang pandaigdigang salik, kabilang ang panawagan ni US President Donald Trump na pababain ang presyo ng langis, pagtaas ng imbentaryo ng krudo sa US, at hindi tiyak na epekto ng posibleng taripa ng US sa Canada at Mexico.
Samantala, muling susuriin ng OPEC+ ang merkado ng langis sa Pebrero 3, na maaaring makaapekto sa presyo sa hinaharap.
Aasahan ang opisyal na anunsyo ng mga kumpanya ng langis sa Lunes, at ipatutupad ang pagbabago sa presyo sa Martes. RNT