Home METRO Vietnamese arestado sa shabu

Vietnamese arestado sa shabu

MANILA, Philippines- Arestado ang isang Vietnamese national matapos masita na umiihi sa pampublikong lugar at makuhanan ito ng hinihinalang shabu at ecstacy Miyerkules ng hapon sa Parañaque City.

Kinilala ni Parañaque City police chief P/Col. Reycon Garduque ang nadakip na Vietnamese national na si alyas Hoang, 20.

Base sa imbestigasyon, inaresto si alyas Hoang bandang alas-4:55 ng hapon sa Bayview Drive, Barangay Tambo, Parañaque City.

Ayon kay Garduque, nagsasagawa ng kanilang routine patrol ang officer-in- charge (OIC) ng Brgy. Tambo Peace and Order at kanyang driver nang kanilang madaanan ang suspek na umiihi sa isang pader ng pampublikong lugar.

Sinabi ni Garduque na sinita ng naturang opisyal ng barangay ang suspek kung saan ipinaliwanag sa huli ang kanyang nagawang paglabag ngunit naging marahas ito at ayaw magpaaresto.

Sa kabila ng pagbabalak na makatakas ng suspek ay napigil ito sa pagdating ng mga tauhan ng kapulisan na naka-duty sa Pulis sa Barangay (PSB) na nagsagawa ng standard operating procedures (SOP) sa pagsusuri sa suspek.

Sa pagsaliksik sa suspek ay nakuha sa kanyang posesyon ang dalawang transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu, at isang plastic sachet na naglalaman ng limang kulay dilaw na tableta na hinihinala namang ecstacy na tuluyan nang kinumpiska.

Ang mga nakumpiskang umano’y ilegal na droga ay dinala sa Southern Police District Forensic Unit (SPDFU) upang sumailalim sa quantitative at qualitative analysis.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Parañaque City police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). James I. Catapusan