MANILA, Philippines- Sinabi ni Transportation Secretary Vince Dizon nitong Martes na mananatili siya sa kanyang pwesto sa gitna ng umiiral na “reset” ng Gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Inihayag ni Dizon na sinabi sa kanya ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa isang phone call na hindi tinanggap ng Pangulo ang kanyang courtesy resignation.
Katapusan ng Mayo nang manawagan ni Marcos sa kanyang Cabinet secretaries na bumaba sa pwesto sa “bold reset” ng kanyang administrasyon.
Pinanatili niya sa pwesto ang kanyang economic managers, maging sina Interior Secretary Jonvic Remulla, Justice Secretary Jesus Remulla, at Defense Secretary Gibo Teodoro.
Sinabi ng Palasyo na si Department of Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo ay papalitan ni Undersecretary Theresa Lazaro epektibo sa July 31.
Sa halip ay itinalaga si Manalo bilang permanent representative ng bansa sa United Nations.
Makikita rin sa balasahan ng Gabinete ang paghalili ng energy secretary sa environment secretary, subalit sumasailalim pa ang ibang pwesto sa “more careful evaluations”, ani Bersamin. RNT/SA