MANILA, Philippines – Pinagana ng Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) ang virtual helpline para tugunan ang mga sumbong na may kinalaman sa kaligtasan, proteksyon at kalakasan ng mga babae at bata.
Sa pahayag, sinabi ni ACG chief Maj. Gen. Sidney Hernia na layon ng helpline na “AlengPulis with the CyberSquad” na magbigay ng tulong sa mga indibidwal na nakararanas ng pang-aabuso, exploitation at harassment lalo na sa online space.
Ginagamit nito ang iba’t ibang channel, katulad ng social media platforms.
Sa kasalukuyan, ang top five complaints na natatanggap ng AlengPulis page ay ang cyberlibel, sextortion, debt collection harassment, online data hacking at internet crimes laban sa mga bata.
Isa sa matagumpay na operasyon ng “AlengPulis Cybersquad” ay ang pagkakahuli sa isang alyas “Cyan-cyan” na nagpanggap bilang dentista at hinimok ang mga bata sa
do-it-yourself (DIY) braces kapalit ng sexual activities.
Nirerekord ng suspek ang video ng sexual acts ng mga bata na hindi alam ng kanilang mga menor de edad na biktima.
Ani Hernia, mahigpit na susunod ang AlengPulis sa mga polisiya ng PNP, at sa pagsasaprayoridad sa proteksyon at privacy ng mga biktima. RNT/JGC