MANILA, Philippines – Nilagdaan ng Pilipinas at France ang isang Status of Visiting Forces Agreement (SOVFA) upang palakasin ang ugnayang pangdepensa at mga joint military activities ng dalawang bansa.
Sa isang joint statement, pinagtibay nina Philippine Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at French Minister for the Armed Forces and Veterans Catherine Vautrin ang kasunduan matapos ang bilateral meeting sa Paris.
“Both ministers recalled the successful negotiations for the Philippines-France Status of Visiting Forces Agreement (SOVFA), which culminated with the signing today in Paris,” ayon sa pahayag.
“The Agreement will greatly bolster bilateral cooperation and offer an adequate level of legal protection to the joint activities between the Armed Forces of the Philippines and the French Armed Forces,” dagdag pa nito.
Tinalakay rin ng dalawang opisyal ang mga isyung panseguridad sa Indo-Pacific, Middle East, at Europe, na binigyang-diin ang kahalagahan ng multilateralism, rules-based international order, at mapayapang resolusyon ng alitan. Muling pinagtibay ng magkabilang panig ang kanilang commitment sa United Nations Convention on the Law of the Sea at kinilala ang kahalagahan ng South China Sea Arbitral Award.
Malugod ding tinanggap ng Pilipinas ang pakikilahok ng France sa mga mekanismo sa Southeast Asia gaya ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at ASEAN Defence Ministers’ Meeting-Plus, lalo na sa larangan ng humanitarian assistance, disaster response, at maritime security.
Muling iginiit nina Teodoro at Vautrin ang kanilang commitment sa pagpapalalim ng pangmatagalang ugnayang pangdepensa, alinsunod sa kanilang December 2023 letter of intent.
Sa ilalim ng 1987 Philippine Constitution, ipinagbabawal ang pagtatayo ng permanenteng base militar ng dayuhang tropa sa bansa, ngunit pinahihintulutan ang pansamantalang pagpasok ng mga ito sa pamamagitan ng mga kasunduang tulad ng SOVFA para sa joint exercises at humanitarian missions.
May katulad nang kasunduan ang Pilipinas sa United States (1999), Australia (2007), at New Zealand (2025), habang patuloy nitong pinapalawak ang ugnayang panseguridad sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea. Dave Baluyot