Home NATIONWIDE Vlogger Maharlika kinasuhan ni international fashion designer Puey Quiñones

Vlogger Maharlika kinasuhan ni international fashion designer Puey Quiñones

Los Angeles – Sinampahan ng kaso ni international fashion designer Rodolfo “Puey” Quiñones, Jr. ang vlogger/blogger na si Maharlika ng Boldyak TV, YouTube channel, dahil sa paninirang puri at paglathala ng vlogs na naglalaman ng malisyosong akusasyon laban sa kanya at sa kanyang negosyo.

Isinampa ni Quiñones, naninirahan sa Los Angeles, California, ang kasong defamation laban kay YouTuber Maharlika, Claire Contreras sa tunay na buhay, sa Superior Court of the State of California sa Los Angeles noong Marso 1, 2024.

Ayon kay Quiñones, walang katotohanan ang akusasyon ni Maharlika na “peke, hindi kanya ang mga obrang likha niya at niloloko nito si Unang Ginang Marie Louise “Liza” Araneta Marcos at sambayanang Filipino.”

“These accusations have greatly impacted me, my business, my reputation, and my life,” pahayag ni Quiñones sa online press conference mula sa Los Angeles.

Sa naturang press conference, sinabi ni Quiñones na pinadalhan ng kanyang mga abogado si Ms. Contreras ng cease and desist letter para tanggalin nito ang kanyang video at bawiin ang kanyang maling pahayag subalit tinanggihan ang kanilang kahilingan kahit wala naman itong alam sa kanyang propesyunal na kaugnayan sa Unang Ginang.

Inatasan umano ng kanyang mga abogado si Contreras, na nakabase rin sa Los Angeles, na itigil na nito ang kanyang mga mapanirang pahayag ukol sa fashion designer, sa kanyang kompanya, pagkatao at reputasyon.

Nabatid na si Quiñones ang nagmamay-ari ng CocoMelody and Quiñones Couture.

Pinadalhan din umano nila ng sulat si Contreras para itama ang kanyang mga mali at malisyosong pahayag at mga video.

“Your ruthless remarks have caused permanent, harmful, and devastating consequences to our client and his company. Your claims are baseless and are built upon your hate for our client rather than tangible facts,” pahayag naman ni Payam Tavakoli, abogado ni Quiñones.

Makailang ulit umanong pinakiusapan ni Tavakoli si Contreras na bigyan sila ng “written assurance” na ititigil na nito ang paninira laban kay Mr. Quiñones, sa kanyang pagkatao at reputasyonl.

Sinabi pa ni Tavakoli na humihingi sila ng danyos na aabot sa US$ 2 milyon, iba pang danyos batay sa takbo ng paglilitis at iba pang nararapat na court reliefs.

Nagsampa na rin si Quiñones ng hiwalay na kasong cyber liber sa Pilipinas. RNT

Previous articlePelikulang ‘Chasing Tuna in the Ocean’ ipinagbawal sa Pinas
Next articleHigit P470M kush mula Thailand nasabat sa Pinas sa nakalipas na 3 linggo