Home OPINION VOTE BUYING SA 2025 NATIONAL AT LOCAL POLLS LALALA – COMELEC

VOTE BUYING SA 2025 NATIONAL AT LOCAL POLLS LALALA – COMELEC

BAGO ang May 12, 2025 National and Local Elections, nakikita na ng Commission on Elections (COMELEC) na magiging talamak ang pagbili ng boto ng mga kandidato para sa iba’t ibang posisyon, lalo na ngayon, idinaraan na lamang sa pagpadala ng pera sa Gcash kaya walang abutan ng pera ang makikita ng taga-COMELEC.

Kung noong 2022 ay ginawa ang vote buying sa pamamagitan ng mga payment platforms, ngayon ay inaasahan na magiging personal ang abutan ng bayad na pera dahil alam ng mga kandidato na mino-monitor na ito ng komisyon at ang mismong mga apps ay naglilimita nang malakihang transaksyon.

Ayon sa COMELEC, ituturing nilang vote buying kung ang isang tao ay nagpadala ng pera sa dalawampung indibidwal sa isang araw lamang.

Ngunit ayon sa pagtatanong ng OCTA Research, karamihan sa mga Filipino ay hindi nagbebenta ng kanilang mga boto ngunit sinasamantala ng mga politiko ang kahirapan ng mga botante.

Nakalulungkot man, hindi na naiisip pa ng isang mahirap na botante ang demokrasya, pagkamamamayan, pamumuno, at ang kanilang kinabukasan, sa halip ay mas nabibigyang-halaga ang mga panandalian lamang katulad ng pagkakataon para magkapera at makabili ng pagkain.

Iba-iba ang uri ng vote buying na maaaring aktuwal na pera o mga bagay na ipinamimigay katulad ng groceries.

Sa kasalukuyan, madalas na binibili ang boto ng buong pa­milya. Ito ay laganap sa lokal na antas o sa mga posisyon tulad ng gobernadora, bise gobernadora, kongresista, alkalde, bise alkalde, at mga konsehal. Maging ang nakaraang Barangay and Sanggu­niang Kabataan Elections noong October 2023 ay talamak ang bilihan ng boto.

Ayon sa COMELEC, ang vote buying ay nagpapahina sa integridad ng eleksyon, kaya bilang tugon dito, lumagda sa isang memorandum of agreement (MOA) ang komisyon at ang National Bureau of Investigation upang bantayan hindi lamang ang bilihan ng boto kundi pati na rin ang iba pang paglabag sa mga panuntunan ng eleksyon.