MANILA, Philippines – Bumoto ang Senado bilang impeachment court, 18–5, na ibalik sa House of Representatives ang mga artikulo ng impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte, sa halip na tuluyang ibasura.
Ang mungkahi, na inihain ni Senador Alan Peter Cayetano, ay layong panatilihin ang integridad ng Konstitusyon at bigyang-linaw ang saklaw ng susunod na Kongreso.
Nilinaw ng mosyon na ang pagbabalik ay hindi katumbas ng pagbasura o pinal na hatol.
“The effect of this is only about four days. It won’t delay the proceedings and will even help the 20th Congress,” ani Cayetano sa isang ambush interview, at iginiit na ang nasabing hakbang ay papayagang ang susunod na Kongreso na umaksyon nang mas malinaw at lehitimo.
Sina Pimentel, Hontiveros, Binay, Poe, at Gatchalian ang tumutol, at tinuligsa ni Hontiveros ang mosyon dahil umano sa legal na kalabuan. Giit niya, obligasyon ng Senado na litisin at magdesisyon, hindi ang ibalik ang reklamo.
Ang 18 senators naman na bumuto pabor ay sina Cayetano, Ronald “Bato” dela Rosa, Bong Revilla, Imee Marcos, JV Ejercito, Bong Go, Loren Legarda, Robinhood Padilla, Jinggoy Estrada, Francis Tolentino, Joel Villanueva, Pia Cayetano, Lito Lapid, Cynthia Villar, Mark Villar, Juan Miguel Zubiri, Raffy Tulfo at Chiz Escudero.
Suportado ni Senador Jinggoy Estrada ang pagbabalik bilang pagsunod sa proseso, habang iginiit ni Senador Tolentino na hindi dapat tumawid sa bagong Kongreso ang mga aksyon ng ika-19 na Kongreso.
Nagpasalamat naman si Senador Dela Rosa sa boto, matapos niyang manawagan ng pagbasura sa reklamo.
“18-5 Returned!!! Thank you, Lord! I’m not trained nor equipped for this kind of task, but I am blessed with a clean heart and a fighting spirit that won’t stop. So blessed to be guided by the Holy Spirit,” saad pa ni Dela Rosa sa kanyang Facebook post.
Maaaring baguhin, i-refile, o pagtibayin ng House ang reklamo sa susunod na Kongreso.
Ayon kay Cayetano, magbibigay ito ng pagkakataon upang malinawan kung nilabag nga ba ang isang taong pagbabawal sa paulit-ulit na impeachment filings sa ilalim ng Konstitusyon. RNT