MANILA, Philippines – Iginiit ni Manila Rep. Joel Chua na hindi maaaring itago nina Vice President Sara Duterte at asawang si Atty. Manases Carpio ang kanilang income tax returns (ITR) sa likod ng mga legal na teknikalidad habang isinasagawa ang impeachment proceedings.
Si Chua, chair ng House committee on good government and public accountability, ay nilinaw na ang desisyon ng Committee on Justice na panatilihing naka-seal ang kahon ng tax records mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ay hindi dahil kulang ang kapangyarihan ng Kamara, kundi dahil sa pag-iingat.
“‘Yung impeachment, constitutional violation ang pinag-uusapan dito… So parang impossible naman na ito pa yung maging cover para makatakas yung mga tao na nagtatago sa batas,” ani Chua.
Ipinaliwanag niya na may kapangyarihan ang Kamara sa ilalim ng Konstitusyon na magtakda ng rules at mag-issue ng subpoena, kaya ang pagkuha ng ITR ay bahagi umano ng proseso, lalo na sa mga alegasyon ng unexplained wealth.
“Ang basis ko kasi dito… binibigyan kami ng kapangyarihan para mag-issue ng compulsory processes… At itong ITR, ito yung resulta ng subpoena,” dagdag niya.
Ayon kay Chua, bagama’t may mga legal na hamon mula sa kampo ng Duterte, naniniwala ang House na may probable cause na kahit hindi pa binubuksan ang naka-seal na ebidensya.
Sinabi rin niya na posibleng sa Senado na ang susunod na yugto ng proseso, kung saan maaaring buksan ang kahon at suriin ang mga tax records kumpara sa mga transaksyon at deklaradong yaman ng Bise Presidente.
“So kung… mababa lang ang binabayaran mong income tax, hindi nagma-match sa bilyong-bilyong transaction, saan mo nakuha ‘yung bilyong-bilyong transaction?” ani Chua.
Dagdag pa niya, mas prayoridad umano sa ilalim ng Konstitusyon ang impeachment proceedings kahit may mga umiiral na batas tulad ng tax secrecy rules, dahil ito ang pinakamataas na anyo ng accountability laban sa mga opisyal ng gobyerno.
Ayon sa mga miyembro ng komite, may nakitang umano’y discrepancy sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Duterte, kung saan idineklara niya ang net worth na ₱88.5 milyon, ngunit iniulat ng Anti-Money Laundering Council ang ₱6.7 bilyong halaga ng transaksyon sa kanyang mga account.
Mananatiling naka-seal ang kahon ng tax records ngunit isasama ito sa impeachment records na ipapasa sa Senado sakaling umusad ang kaso. RNT/MND