Home NATIONWIDE VP Sara: impeachment case, “gawa-gawa” lang ng Kamara

VP Sara: impeachment case, “gawa-gawa” lang ng Kamara

66
0

THE HAGUE, Netherlands – Tinawag ni Vice President Sara Duterte na “gawa-gawa” ng House of Representatives ang impeachment case na isinampa laban sa kanya, habang nagpapasalamat sa mga tagasuporta na patuloy na sumusuporta sa kanya sa gitna ng kontrobersiya.

Sa isang interview sa The Hague, Netherlands noong Mayo 5, sinabi ni Duterte na pinahahalagahan niya ang suporta ng kanyang mga tagasunod mula pa noong mga nakaraang eleksyon.

“Nagpapasalamat ako dahil noong ako ay nag-announce na tatakbo akong Pangulo, marami lahat ng mga supporters galing 2016, 2019, 2022, nandyan pa rin sila lahat na solid na naniniwala at nagtitiwala… so yun ‘yung unang pagpapasalamat ko,” ani Duterte.

Nagpasalamat din siya sa mga nagsasagawa ng rally at kilos-protesta bilang suporta sa kanya laban sa impeachment.

“Yung pangalawang pagpapasalamat ko ay ‘yung kanilang suporta sa akin ngayon na humaharap sa impeachment na gawa-gawa ng House of Representatives,” ani pa niya.

Ayon pa kay Duterte, napag-usapan nila ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang sitwasyon, at sinabi niyang naniniwala sila na ang lahat ng nangyayari ay bahagi ng plano ng Diyos.

“Pero base din sa discussion namin kanina ni Pangulong Duterte, lahat ng mga nangyayari sa buhay ng isang tao ay sinulat yan ng Diyos so kung ma-impeach ako, yan ay sinulat na ng Diyos [o] hindi man ako ma-impeach,” dagdag niya.

Si Duterte ay kasalukuyang bumibisita sa kanyang ama na nakakulong at nahaharap sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).

Sinabi rin ng Bise Presidente na “madumi” ang politika sa Pilipinas at normal na raw ang paninira sa mga kalaban sa pulitika.

“Unang-una kasi sa politika, ganyan talaga yan… madumi talaga ang politika,” aniya.

Dagdag niya, mas tumitindi ang mga atake sa kanya dahil tinitingnan na siya ng iba bilang posibleng kandidato sa 2028 presidential elections.

“You paint your enemy black so that you appear white,” dagdag niya.

Nagpaalala rin si Duterte sa publiko na maging mapanuri sa mga nakikita online dahil maaaring manipulahin ang impormasyon.

“Kailangan matutong mag-discern ang mga Pilipino sa mga nakikita nila sa social media, particularly because pwedeng mamanipulate ang information na lumalabas sa social media,” aniya.

Ayon sa kanya, may mga “troll farms” at negosyo na nagpapakalat ng impormasyon—totoo man o hindi—upang maimpluwensyahan ang opinyon ng publiko.

“Yung mga troll farms na meron talagang negosyo na gano’n at meron din talagang negosyo na nagpapalabas ng mga information, whether true or not…,” dagdag pa niya.

Giit niya, layunin ng mga ito na ipakita kung alin ang popular o hindi popular na opinyon upang maimpluwensyahan ang publiko.

Nagpaalala rin siya na kahit “libre” ang social media, may mga gumagamit nito para manipulahin ang impormasyon. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here