Home NATIONWIDE VP Sara nagpasalamat kay PBBM sa tulong sa Davao region

VP Sara nagpasalamat kay PBBM sa tulong sa Davao region

MANILA, Philippines- Nagpasalamat si Vice President Sara Duterte kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Huwebes sa pagpapaabot ng tulong sa mga residente ng Davao Region na apektado pa rin ng trough ng low pressure area (LPA).

Magkasama sina Duterte at Marcos sa Davao City nitong Miyerkules sa isang pulong kasama ang key government agencies upang talakayin kung paano pa tutulungan ang Davaoeños na apektado ng weather system.

Sa parehong araw, inaprubahan ng Pangulo ang pagpapalabas ng P265 milyon para sa mga biktima ng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa masamang panahon sa rehiyon.

“Maraming salamat Pangulong Bongbong Marcos sa lahat ng tulong na ipinaabot mo sa mga apektadong lugar sa buong Davao Region,” saad sa post ng Bise Presidente.

Gayundin, nanawagan si Duterte, dati ring alkalde ng Davao City, sa mga Pilipino na maging matatag sa gitna ng mga hamon.

“Mga kababayan patuloy po tayong maging MATATAG tungo sa pagtaguyod ng isang Bansang Makabata at Batang Makabansa,” ayon pa sa post ni Duterte.

Nagkita ang dalawang pinuno sa Davao City sa gitna ng sagutan sa pagitan ng kapatid ni VP Sara, kanyang ama, at ni Marcos. Nagkainitan ang dalawang kampo ukol sa paggamit ng droga at hindi maayos na pamumuno.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council situational report na inilabas nitong Huwebes ng umaga, 1,193,443 indibidwal ang apektado ng trough ng LPA sa Mindanao.

Sa bilang na ito, 792,791 ang mula sa Davao Region.

Samantala,  271 lugar pa rin ang binabaha sa Northern Mindanao, Davao Region, Caraga, at sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ayon sa ulat ng ahensya. RNT/SA

Previous articleNGCP pinalagan ni Poe sa rotational brownout: ‘Sa delay, walang seguridad sa suplay’
Next articleTanod patay sa pamamaril ng utol!