MANILA, Philippines- Kasunod ng kanyang impeachment na isinulong sa House of Representatives, pinasalamatan ni Vice President Sara Duterte nitong Linggo ang Overseas Filipino Workers (OFWs) sa patuloy nilang pagsuporta sa kanya at sa Office of the Vice President (OVP) sa gitna ng mga pagsubok na kinakaharap niya.
Sa thanksgiving event kasama ang OFWs sa Wan Chai sa Hong Kong, sinabi ni Duterte na hindi niya maiiwan ang kanyang posisyon bilang Vice President dahil sa kanyang mga taga-suporta, kabilang sa kanila ay OFWs sa iba’t ibang panig ng mundo.
“Salamat sa suporta ninyo sa akin, sa aking mga kasamahan, sa aming trabaho, sa programa at proyekto ng Office of the Vice President. Maraming salamat po sa inyong lahat…dahil kayo lang sumusuporta sa OVP, ang buong gobyerno ay iniwanan na po ang OVP,” pahayag niya.
Matatandaang naglaan ng P733.1-million budget para sa OVP sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA), malaking tapyas mula sa orihinal na isinusulong na P2-billion budget.
Pinatalsik naman ng House of Representatives si Duterte noong February 5, kung saan mahigit 200 mambabatas ang nag-endorso sa reklamo. Ang tentative start ng kanyang impeachment trial ay sa July 30, 2025.
Naghain si Duterte ng petisyon sa Supreme Court na humahamon sa validity at constitutionality ng ika-apat na impeachment complaint laban sa kanya.
“Personal ang pagpapasalamat ko sa inyong lahat sa tulong ninyo, sa kampanya ninyo, sa suporta ninyo para sa akin at sa boto ninyo noong nakaraang halalan nung 2022…At sa susunod na halalan sa 2028. Joke lang, joke,” ani Duterte sa OFWs sa Hong Kong. RNT/SA