Home NATIONWIDE VP Sara, pinamamadali na impeachment trial

VP Sara, pinamamadali na impeachment trial

1
0

MANILA, Philippines — Nanawagan si Vice President Sara Duterte na pabilisin ang pagdinig at pagresolba sa impeachment case laban sa kanya upang hindi umano manatiling nakabitin ang mga alegasyon at pagdududa ng publiko.

Sa isang panayam sa Zamboanga City nitong Miyerkules, Agosto 19, sinabi ni Duterte na nais ng kanyang kampo na hindi tumagal ang proseso.

“Gusto lang sana namin ay mapabilis yung proseso dahil hindi pwedeng tumatagal yung proseso natin,” ani Duterte.

Ayon sa Bise Presidente, habang humahaba ang paglilitis ay nananatili rin umano ang tanong ng publiko kung totoo ang mga paratang laban sa kanya.

Iginiit din niyang may karapatan ang mga partido sa mabilis na pagresolba ng mga kaso, habang ipinauubaya niya sa kanyang spokesperson at defense team ang paghawak sa impeachment proceedings.

Tinanggihan naman ni Duterte ang mungkahing makatutulong sa pagpapabilis ng paglilitis ang palagi niyang personal na pagdalo.

“Hindi po totoo ‘yun kasi fully represented ako noong ating defense team at sufficient ‘yan na meron kang mga abogado doon na nag-participate doon sa process,” ani Duterte sa parehong panayam.

Paliwanag niya, ang kanyang mga abogado ang nakatalagang magharap ng mga testigo, magsagawa ng cross-examination at kumatawan sa kanya sa proseso.

Umabot na sa ika-15 araw ang impeachment trial noong Agosto 12, kung saan kabilang sa mga tinalakay ang paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.

Naantala naman ang nakatakdang pagdinig noong Agosto 18 matapos suspendihin ng Senate impeachment court ang paglilitis dahil sa inaasahang malakas na ulan at pagbaha dulot ng Habagat. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here