Home NATIONWIDE VP Sara sa amang si Digong sa ‘political attacks’ sa kanya: ‘Do...

VP Sara sa amang si Digong sa ‘political attacks’ sa kanya: ‘Do not stress yourself’

MANILA, Philippines- Tiniyak ni Vice President Sara Duterte sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na wala itong dapat na ipag-alala sa “political attacks” na kinahaharap nito ngayon.

Sinabi ito ni VP Sara sa media interview matapos ang saglit na pagpapakita sa House Committee on Good Government and Public Accountability na nagsisiyasat sa umano’y maling paggamit ng Office of the Vice President (OVP) sa public funds nito, araw ng Miyerkules.

Nang tanungin ukol sa kalusugan ng kanyang ama, sinabi ni VP Sara na “okay” naman ito.

“Okay naman ata siya. Hindi kami nagkakausap,” ayon kay VP Sara.

“Pero sinasabihan ko lagi yung mga nakapaligid sa kanya na sabihin sa kanya wag maiistress sa nangyayari tulad nang sinabi ko din kay Ma’am GMA,” dagdag na pahayag ni VP Sara, tinukoy ang kanyang mentor, dating Pangulo at Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa nasabing House inquiry, araw ng Miyerkules, nakita si VP Sara na bumulong kay Arroyo, at maging kay Sagip Party-list Rep. Rodante Marcoleta, na naging kanyang tagapagtanggol sa Kongreso.

Sinabi ng opisyal na tiniyak sa kanila ni VP Sara na kaya niyang harapin ang mga pag-atake na ibinabato sa kanya at walang dahilan para ma- stress ang mga ito sa nangyayari sa kanya.

Nang tanungin kung hindi ba siya nagsisisi na hindi niya pinakinggan ang payo ni Arroyo na huwag nang sumali sa national politics, sinabi ni VP Sara na: “Naririnig nyo si PRRD, di ba nagsasabi siya wag kang tumakbong president.”

“Ngayon sinasabi niya, yan din sinabi niya nung 2021. ‘H’wag kang tumakbong president kasi nanggaling na ako diyan,’ sabi niya. ‘Hindi madali yan trabaho. Maawa ako sa iyo,’” aniya pa rin.

Ibinahagi rin ni VP Sara kung paano siya binalaan ng kanyang ama na huwag nang makipag-sanib pwersa sa mga Marcos, at iginiit na “never again” siyang makikipagtambal sa mga ito (Marcoses).

Samantala, sinabi naman ni VP Sara na iaanunsyo niya ang kanyang political plans sa pagtatapos ng 2026, o dalawang taon bago ang 2028 national elections.

“As of now, this very minute, I will [announce] if I will run by the fourth quarter of 2026,” ani VP Sara. Kris Jose