MANILA, Philippines — Wala pang kumpirmasyon si Vice President Sara Duterte kung dadalo siya sa pagdinig ng Senado para sa panukalang 2027 budget ng Office of the Vice President (OVP), ayon kay Sen. JV Ejercito.
“Wala pa hong pasabi. Hindi pa natin alam,” sinabi ni Ejercito sa Super Radyo dzBB nitong Linggo.
Ayon sa senador, inaasahang mahuhuli sa iskedyul ng Senate budget hearings ang OVP at Office of the President dahil abala rin ang Senado sa pag-upo bilang impeachment court.
Humihiling ang OVP ng P785.204 milyon para sa 2027, mas mababa ng 11.7 porsiyento kumpara sa P889.236 milyong appropriated budget nito ngayong 2026. Sinabi ng OVP na gagamitin ang pondo para maipagpatuloy ang pagbibigay ng tulong at serbisyo sa mga benepisyaryo sa buong bansa.
Nauna nang sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian na ang mga usaping bahagi na ng impeachment case laban kay Duterte ay hindi na maaaring talakayin sa OVP budget deliberations.
Aniya, haharap si Duterte sa budget hearing bilang pinuno ng ahensya at ang pagtalakay ay dapat manatili sa panukalang pondo at operasyon ng OVP.
Sinabi rin ni Gatchalian na bilang pangkalahatang polisiya, hindi papayagan ng Senado ang confidential funds para sa OVP, Department of Education at iba pang civilian agencies maliban kung may sapat na paliwanag at masusing pagsusuri. RNT