MANILA, Philippines- Tumanggi si ACT CIS Partylist Rep. at senatorial candidate Erwin Tulfo na magbigay ng komento ukol sa inihaing disqualification case laban sa kanya sa isyu ng poltical dynasty at citizenship.
Sa press conference ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas para sa kanilang campaign rally sa Pasay City, sinabi ni Tulfo na hindi pa nya natatanggap ang kopya ng petisyon na inihain sa Commission on Elections (Comelec) kaya naman hindi pa ito makapagbibigay ng komento.
Aniya, nalaman lamang nya ang disqualification case nang sabihin ito mismo ng kanyang barbero habang sya ay nagpapagupit.
Giit nito, wala pang batas na nagsasabi kung ano ang political dynasty at wala rin umanong batas na nagbabawal dito.
“Hanggang walang batas pa po tayo, eh meron ho talagang ganito. Meron pong mangyayaring ganito” paliwanag ni Tulfo.
Bagama’t may mga panukalang batas na naihan na ukol sa political dynasty ay hindi naman ito natatalakay pa.
“Unfortunately, hindi pa po kumikilos ang Kongreso at saka Senado” dagdag pa nito.
Sakali mang mayroon nang batas na ihahain ukol sa political dynasty ay handa si Tulfo na suportahan ito.
Bukod kay Tulfo, sentro rin ng disqualification case sina senatorial aspirant, Ben Tulfo; ACT-CIS Party-list Rep. Jocelyn Tulfo; Quezon City 2nd District Rep. Ralph Wendel Tulfo at Turismo Party-list first nominee Wanda Tulfo-Teo.
Samantala, sinabi ni dating senador at senatorial aspirant Ping Lacson na noon pa man ay mayroon na itong inihaing panukala laban sa political dynasty subalit hindi ito umusad, sakali mang palarin muli sa Senado ay kanya muling ihahain ito upang magkaroon na ng linaw kung paano maituturing at paano maipagbabawal ang political dynasty. Gail Mendoza