MAITUTURING na wala pang nasasawi o nasusugatang Pinoy sa Gitnang Silangan na may giyera sa ngayon.
Magpasalamat tayo kung ganoon.
Mabangis ang giyera sa pagitan ng Iran at United States, Israel, Jordan, Lebanon, Bahrain, Kuwait, United Arab Emirates at Kuwait.
Humupa lang nang kaunti habang tinitipa natin ito dahil ipinagluluksa ng Iran ang pagkamatay ni Iran Supreme Leador Ayatollah Ruhollah Khomeini at ilang matataas na opisyal sa pambobomba ng US sa Iran.
Kung sakaling muling magkaroon ng pagbangis ng labanan, walang nakatitiyak sa kaligtasan sa panganib ng mga Pinoy sa nasabing rehiyon.
Ang totoo, sinusubaybayan natin ang giyera dahil nakataya ang kaligtasan ng milyong Pinoy sa nasabing mga lugar, lalo na kung isama natin ang halos isang milyon sa Saudi Arabia lamang.
Hinahanapan nga natin ang gobyerno ng mga aksyon para iligtas silang mga Pinoy kung maipit sila sa giyerang ito.
MGA NANGANGANIB
Heto ang mga lugar na roon nanganganib sa giyera.
Sa Israel, may 30,000 Pinoy; 11,000 sa Lebanon; 40,000 sa Jordan; 100,000-150,000 sa Bahrain; 223,500 sa Kuwait; 700,000 sa United Arab Emirates; 260,000 sa Qatar; at 899,000 sa Saudi Arabia.
Lahat ng mga bansang ito ay may base militar ang US kaya tinatarget ngayon ng Iran ng mga missile at drone nito.
Sa Iran, may mahigit nang 200 ang patay, kasama ang 115 batang estudyanteng babae sa isang iskul ng elementarya sa Minab, habang nasa halos 500 na ang nasugatan, ayon sa ulat ng Red Cresent.
May ilang patay na rin sa Israel, dalawa sa Iraq at iba pa.
Ayon naman mismo kay Pangulong Bongbong Marcos, ligtas ang mga Pinoy dahil kasama ang mga ito ng iba’t ibang lahi na nagtatago sa mga bomb shelter tuwing may sirena babala laban sa missile at drone.
Sana nga, wala talagang mapapahamak na Pinoy.
Pero paano kaya ang mga pamilyang-overseas Filipino worker na umaasa sa mga padala ng mga hindi makapagtrabaho dahil sa giyera?
Ang kanilang pagkain, buwanang upa sa bahay at transportasyon ng mga mag-aaral at bayad sa kuryente, tubig, bayad sa iskul at ospital ng mga nagkakasakit?
PROBLEMA SA LANGIS
Sa ngayon, nanganganib lahat ng barko na may kargang langis na bumibiyahe sa Persian Gulf at Red Sea.
Ito’y dahil hindi lang ang Iran ang kumikilos laban sa US at Israel kundi maging ang mga Houthi.
Sarado ngayon ang Strait of Hormuz na dinadaluyan ng 20 porsyentong langis na ibinibiyahe ng 100 barko araw-araw.
Nanganganib din ang mga barkong oil tanker sa Red Sea dahil target ang mga ito ng mga Houthi.
Dahil nga sa giyera, naglalaro ngayon ang presyo ng bawat bariles ng krudo sa $73-80 at kung magpapatuloy ang digmaan, may naniniwalang aabot ito sa $200 kada bariles.
Kung mangyayari ito, mga Bro, nakatatakot isiping baka aabot sa P100 kada litro ng diesel, gasoline at kerosene, at madadamay na pati ang liquified petroleum gas.
Kaya naman, dapat ihanda na natin ang ating mga sarili sa oil price hikes na tiyak namang magpapataas ng presyo ng lahat ng bilihin.
Ipapatong at ipapatong ng mga trader at biyahero ang anomang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na magpapamahal sa lahat ng bilihin.






