Home NATIONWIDE Walang alok na reward sa bawat napapatay sa anti-drug ops – PNP

Walang alok na reward sa bawat napapatay sa anti-drug ops – PNP

MANILA, Philippines – Itinanggi ng Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes, Agosto 29 na nag-aalok ang pulisya ng reward sa bawat mapapatay na suspek sa kanilang anti-drug operations.

Sa press briefing, sinagot ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo ang alegasyon ni Police Colonel Jovie Espenido sa imbestigasyon ng Kamara.

“That is his statement kaya kailangan tanungin natin siya. Probably, he has a personal knowledge doon sa sinasabi niyang reward but para sabihin na ito ay ginawa sa buong PNP, very sweeping yung kanyang sinasabi,” ani Fajardo.

“Kung meron siyang personal knowledge na siya ay binigyan ng reward, tinanong naman siya ang sabi niya ay wala,” dagdag niya.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng Kamara ang mga nasawi sa drug war sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kayEspenido, P20,000 ang ibinibigay sa bawat mapapatay na suspek at P100,000 para sa isang matagumpay na buy-bust operation.

Tinawag din niya ang PNP bilang pinakamalaking crime syndicate sa bansa.

Nagulat ang pulisya sa naging pahayag na ito ni Espenido.

“Lagyan po natin ng konteksto. Ang isang organized crime group ay binuo para sa isang purpose lamang, ito ay to commit crimes. So malayong-malayo ito sa reyalidad kung bakit itinatag ang PNP,” tugon ni Fajardo.

Si Espenido ay isang kontrobersyal na pulis sa panahon ni Duterte kung saan pinangunahan niya ang iba’t ibang major drug operation laban sa mga big-time na tulak. RNT/JGC