NAGSIMULA na ang sari-saring sarbey na pinaniniwalaang nauugnay sa halalang 2025 na konektado sa halalang 2028…kung saka-sakali.
Saka-sakali sa 2028 dahil andiyan pa rin ang banta ng Charter change movement na iniuumang kung walang tsansa na magka-Pangulo at kumontrol sa gobyerno ang nasa likod ng Cha-cha.
Sa Cha-cha kasi, mabubura ang halalang presidensyal na roon direktang iboboto ng mamamayan ang mga President at Vice President at tanging mga panalong mambabatas ang magbobotohan kung sino ang iluluklok nilang Prime Minister na pinakamakapangyarihan, kapalit ng Pangulo ngayon sa sistemang presidensyal.
At malamang na gagawing Prime Minister ang may pakana ng Cha-cha.
Kabilang sa mga sarbey ang isinagawa ng OCTA noong Hunyo 30-Hulyo 5, 2024 ukol sa pagtitiwala at paggampan ng tungkulin sa pagitan nina Pangulong Bongbong Marcos at Vice President Sara Duterte.
Sa unang pagkakataon, naungusan umano ni Manong Bongbong si Inday Sara usaping pagtitiwala at paggampan ng tungkulin.
Hindi lang ‘yan. Tumaas umano ang grado ni Manong Bongbong habang bumaba ang kay Inday Sara.
Sa pagtitiwala, may gradong 71% si Manong Bongbong habang 65% kay Inday Sara at sa paggampan ng tungkulin, 68% sa una habang 60% ang sa huli.
Pero kung ibabatay sa lugar, may talo-panalo ang dalawa.
Sa Balance Luzon, may gradong 80% sa pagtitiwala at 74% sa paggampang ng tungkulin si Manong Bongbong ngunit butata siya 95% at 92% grado ni Inday Sara sa Mindanao.
Sa uri ng mga mamamayan, sa nasa class ABC na mayayaman at middle class, may gradong 74% at 71% si Manong Bongbong at pinakamababa siya sa class E o mahihirap.
Panalo naman si Inday Sara sa class E o mahihirap sa gradong 68% at 65%.
Ano kaya ang epekto nito sa halalang 2025 na hindi naman kandidato ang dalawa?
Ang tiyak, may ibubungang talo o panalo sa mga kandidato ang mga balimbingan at awayan ng mga kandidato.