NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga mamahayag na pangunahan ang kampanya laban sa pagpapakalat ng mga maling impormasyon sa publiko at ituloy lamang ang pagsunod sa tamang pamantayan ng moralidad at propesyonalismo sa pamamaraan ng pamamahayag.
Bukod dito, hinikayat din ng Pangulo ang miyembro ng media na pangunahan ang kampanya para sa wastong pagbibigay ng impormasyon sa publiko nang hindi babaluktutin ang katotohanan pala lamang makaakit ng publiko o kaya ay may kinikilingan at may personal na motibo.
Ginawa ni Pangulong Bongbong Marcos ang pahayag matapos niyang pangasiwaan ang seremonya nang panunumpa ng mga bagong halal na opisyal ng National Press Club na sina NPC President Leonel “Boying” Abasola ng Philippine News Agency; Treasurer Mina Navarro ng Abante; Auditor Lydia Bueno ng Remate News Central; at mga director na sina Aya Yupangco ng DWIZ, Alvin Murcia ng The Daily Tribune, Gina Mape ng DWWW 774, Madz Dominguez ng Abante/Abante Tonite, Jeany Lacorte ng Abante, Jun Mendoza ng The Philippine Star, Dennis Napule ng Remate at siyempre ang inyong lingkod na nahalal na bagong director.
Hindi naman nakadalo ang halal na secretary na si Kristina Maralit ng The Manila Times at director Benedict Abaygar dahil nagsilbi silang kinatawan ng NPC sa ginanap na 2024 Belt and Road Journalists Forum na ginanap sa Chongqing, China. Wala rin sa naturang oath taking ceremony si vice president Benny Antiporda at director Ferdinand Topacio dahil may napakahalaga bagay na dapat tugunan.
Sa kanya pa ring talumpati, humingi ang Pangulo ng suporta mula sa mga mamamahayag sa pagtugon sa kahinaan ng sistema sa Pilipinas at payagan ang bansa na paunlarin sa pamamagitan ng patuloy na panindigan ang “best interest” ng bansa.
Kinilala at pinasalamatan din ng Pangulo ang walang humpay na pagtulong ng mga mamamahayag sa paghubog sa mga mamamayan higit sa kaya nitong makasama sa hangarin ng mas malakas na Bagong Pilipinas.
Bago ko nga pala makaligtaan, nais ko na ring gamitin ang pagkakataon na ito upang pasalamatan ang buong Press Freedom Party sa pamumuno ni Chairman Benny Antiporda na nagbigay sa atin ng tiwala kaya’t naabot natin ang pwesto sa pagiging Director ng NPC.
Siyempre hindi magiging madali para mapagtagumpayan ang pagiging Director ng NPC kundi sa tulong din at suporta ng mga kapwa ko mamamahayag. Pasalamat din sa nagbigay ng inspirasyon sa akin ang aking mga magulang na sina Edd at Ana Ma. Reyes, aking asawa na si Leslie, mga anak na sina Celestine at Cassidy, mga kaibigan pati na rin ang nagkaloob sa atin ng t-shirt na may tatak na nagamit natin sa pangangampanya na sina Mr. Lito Gaw at John Paul Tafalla.