LAGLAG ang 431 pugante, kabilang ang 64 most wanted criminals sa pinaigting na criminality campaign na iniutos ni Police Regional Office 3 director PBGen. Jose ‘Daboy’ Hidalgo Jr..
Ang large-scale manhunt operation na isinagawa noong Agosto 3 hanggang Agosto 23 ay nagresulta sa pagkasakote ng mga suspek na sangkot sa heinous offenses tulad ng murder, rape hanggang illegal drugs.
Sa kabuuang bilang ng mga nahuli, 64 ay most wanted na nahaharap sa mga kasong pagpatay, sekswal na pang-aabuso, at paglabag sa mga batas ukol sa droga.
Bukod sa high profile arrests na ito, 367 pang wanted individuals na may outstanding warrant of arrest ang dinala sa kustodiya bilang bahagi nang tuloy tuloy na paglaban ng PRO3 cops sa kriminalidad.
Pinuri ni Hidalgo ang mga yunit na nagtrabaho nang todo kaya naging matagumpay ang pagdakip sa naturang wanted felons.
Ang serye ng mga pag-aresto na ito ay pagpapatunay sa dedikasyon at determinasyon ng mga pulis sa rehiyon, ayon kay Hidalgo. Ginagawa ng mga pulis ang kanilang tungkulin upang mapanatiling tahimik at maayos ang komunidad na kanilang pinaglilingkuran.
Ang manhunt operations na isinagawa sa pitong lalawigan at dalawang lungsod ng Central Luzon na bumubuo sa PRO 3 ay gumamit ng mga istratehiyang nakabatay sa intelihensya sa tulong ng mga lokal na komunidad.
Ang mga operasyong ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng PRO3 upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente ng Gitnang Luzon.
Makakaasa kayo na magpapatuloy ang aming mga operasyon at hindi kami hihinto hanggang ang bawat wanted na tao ay mapanagot sa kanilang mga aksyon,” diin ng CL police director.
Sinabi ni Hidalgo na ang tagumpay ng tatlong linggong manhunt na ito ay mahalagang hakbang sa pagtiyak ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.