
DALAWANG matitinding giyera ang ating nasisilayan sa mga araw na ito, bukod sa giyera sa Gaza.
Ang giyerang Russia-Ukraine at Iran-Israel.
IBANG GIYERA
Sa giyerang Gaza na labanan ng Hamas sa Palestine at Israel, mga Brod, wala nang tahanan, ospital, eskwela at ibang istruktura dahil nagiba na lahat at puro gutom, pagkauhaw, sakit at walang matinong matutulugan ang inaabot ng mga sibilyang dalawang milyon.
Nabubuhay na lang ang mga Palestino sa rasyon na kulang na kulang at hinaharang pa.
At nagsimula nang dumami ang mga namamatay sa gutom at sugat dahil sa kawalang pagkain, tubig at sanitasyon, bukod sa mga masaker sa kanila ng mga pwersang Israel.
GIYERANG RUSSIA-UKRAINE
Sa mga front line o malalapit sa boundary ng Russia at Ukraine, halos durog-durog ang lahat ng mga tahanan at istruktura, giba ang mga tulay, at halos wala nang nadadatnang sibilyan sa magkabilang panig, lalo na sa parte ng Ukraine.
Maging sa malalayo sa kanilang hangganan, marami ring nasisirang tahanan at istruktura kahit sa Kyiv na kapital ng Ukraine at Moscow na kapital naman ng Russia.
Ito’y dahil inaabot na ang lahat ng lugar ng mga drone na may bomba, bala ng mga kanyon, missile system, bomba ng mga eroplano at iba pa.
Ang matindi, may tig-isang milyon nang patay ang magkabilang panig, kasama ang mga daang libong sibilyan.
Mahigit apat milyong Ukrainian ang nakakalat sa iba’t ibang bansa bilang evacuees ngunit walang Russian evacuees.
IRAN-ISRAEL WAR
Wala tayong gaanong nakikitang mga larawan ng mga tahanan at istruktura na nagigiba sa Iran.
Ngunit halos 300 sibilyan na ang namamatay sa iba’t ibang lugar doon at nangangahulugang maraming gibang tahanan at istruktura.
Marami na ang umaalis patungo sa mga lalawigan mula sa Tehran na labis na binobomba ng Israel.
Batay rito, maihahambing ang kalagayan sa Tehran sa kalagayan ng Gaza na winawasak ng Israel ang mga tahanan at istruktura at ganito rin sa ibang mga lungsod ng Iran.
Ngunit sa Israel, maraming giba at nasusunog na tahanan, istruktura at pasilidad gaya ng mga oil depot bunga ng mga missile at drone na pinakakawalan ng Iran.
MARAMING TAON PARA SA MULING PAGBANGON
Suma total, mga Bro, kung may giyera, wala nang ligtas na mga lugar, kahit saan.
Marami ang nasisirang buhay, ari-arian, hanapbuhay, kinabukasan at iba pa.
Upang maibalik lahat ng nasisira, maliban sa mga namatay at nabaldado, maraming taon ang gugugulin para makabangon muli ang lahat.
GIYERANG CHINA AT PILIPINAS
Posible bang maggiyera ang Pilipinas at China?
Kung posible, higit na dapat isipin ng mga utak-pulburang lider-Pinoy na higit na mapapahamak ang sambayanang Pinoy kaysa sa sambayanang China bago tayo lumusong sa digmaan.
Kung ano ang nagaganap sa Ukraine, Gaza, Iran at Israel, tiyak na magaganap din higit sa Pinas kaysa sa China dahil wala tayong kalaban-laban.
Ang mga sulsol at nagbebenta sa atin ilang pirasong armas, bala, missile at iba pa, wala ni sinoman sa kanila ang mamamatay at masisiraan ng mga ari-arian at nakikita ito sa giyerang Russia, Ukraine, Israel, Iran at Gaza.
Tanong: Lulusong ba tayo sa giyera?