Home NATIONWIDE Wanted na Hapon arestado ng Immigration sa Taguig

Wanted na Hapon arestado ng Immigration sa Taguig

INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang puganteng Hapon na wanted dahil sa pagnanakaw at panloloko sa Tokyo, makaraang tangkain nitong palawigin ang kanyang tourist visa sa Taguig city.

Ayon sa BI, ang Japanese na kinilalang si Kudo Tomoya, 33, ay naharang noong Nobyembre 15 sa opisina ng BI sa SM Aura mall sa Taguig matapos tangkaing mag-apply para sa extension ng kanyang tourist visa.

Ibinahagi ni BI SM Aura head Evita Mercader na nag-file si Kudo ng extension bandang alas-5 ng hapon, at ipinakita ang kanyang pasaporte. Dumating umano siya noong Oktubre 15, at humihiling na palawigin ang kanyang visa para manatili nang mas matagal sa bansa.

Gayunpaman, sa pag-verify sa centralized system ng BI, napag-alaman na si Kudo ay paksa ng isang watchlist ng BI, matapos na kasuhan bilang isang undesirable alien.

Nakatanggap ang BI ng opisyal na komunikasyon mula sa mga Japanese authorities noong Nobyembre 8, na ipinaalam sa kanila ang standing warrant of arrest ni Kudo.

“The warrant was reportedly issued by the Tokyo Summary Court in August for charges of breaking into a structure, theft and fraud, in violation of the Japanese Penal Code,” ayon sa BI.

Nabatid sa BI na noong 2022 ay sinabing pinasok ni Kudo ang kanyang dating opisina at nagnakaw ng bankbook at isa pang office item na nagkakahalaga ng JPY2,000. Kinalaunan noong araw na iyon, nagpanggap umano siya bilang empleyado ng kanyang dating opisina at niloko ang isang empleyado sa bangko na JPY7,876,000 gamit ang nasabing bankbook.

Agad siyang inaresto ng mga ahente ng fugitive search unit ng BI, at mananatiling nakakulong sa pasilidad ng BI sa loob ng Camp Bagong Diwa, habang hinihintay ang kanyang deportasyon. Jay Reyes