Arestado ng mga tauhan ng BF Homes police Substation sa pakikipag-ugnayan sa Fugitive Search Unit (FSU) ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Koryano na wanted sa kanilang bansa nitong nakaraang Lunes, Agosto 12.
Sa report na nakalap sa Southern Police District (SPD) ay nakilala ang nadakip na suspect na si alyas Park, 33-taong gulang.
Ayon sa SPD, naging matagumpay ang pagdakip kay alyas Park sa pakikipagkoordinasyon sa FSU para sa pagpapatupad ng Mission Order at Warrant of Deportation laban sa suspect.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Seoul Central District Prosecutor’s Office at ng Hong Sung District Court ay nadakip ang suspect kaugnay sa inilabas na Interpol Red Notice No. A-4398/5-2017 ng BI.
Napag-alaman din sa SPD na kinansela na ng mga awtoridad ng Korea ang pasaporte ng suspect dahil sa kinahaharap nitong kaso sa kanilang bansa.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Article 347 (Criminal Act and Telecommunications Business Act of the Republic of Korea) o Fraud ang suspect na nasa kustodiya ng FSU at nakatakdang iturn-over sa BI Warden Facility (BIWF) sa Taguig City pagkatapos ng pagsasagawa ang booking at dokumentasyon sa main office ng BI. (James I. Catapusan)