Home NATIONWIDE Wanted sa kasong frustrated homicide nahulihan ng P1.3M ‘bato’

Wanted sa kasong frustrated homicide nahulihan ng P1.3M ‘bato’

RIZAL- Naaresto ang isang 19-anyos na lalaki na wanted sa kasong frustrated homicide at nahulihan pa ng mahigit P1.3 milyon halaga ng ilegal na droga sa Morong, Rizal nitong Hunyo 2.

Kinilala ng Morong Municipal Police ang suspek na si “Jon” ng Sitio Talaga, Barangay Maybancal.

Nakuha sa suspek ang 200 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,360,000, P20,000 halaga ng kush, at iba pang drug paraphernalia.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, na ang mga droga ay mula Quezon City at ikinakalat sa mga bayan ng Teresa, Morong, Cardona, Baras, at Tanay sa Rizal. Isa umano ito sa mga bahagi ng mas malawak na drug network sa probinsya.

Nasa kustodiya na ng Rizal PPO ang suspek at inihahanda ang mga kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) at frustrated homicide.

Patuloy pa rin ang manhunt operations laban sa mga kasabwat ni Jon sa kasong frustrated homicide.

“Nananatiling masigasig ang Rizal Police sa pagtugis sa mga kriminal at pagsugpo sa ilegal na droga, alinsunod sa direktiba ng PNP para sa isang ligtas at mapayapang pamayanan,” ayon kay Rizal PPO director Col. Felipe Maraggun. Mary Anne Sapico