Home NATIONWIDE Water pressure sa Angat Dam sinisilip bawasan sa pagbagsak ng reservoir

Water pressure sa Angat Dam sinisilip bawasan sa pagbagsak ng reservoir

MANILA, Philippines- Sinabi ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) nitong Linggo na kinokonsidera nitong bawasan ang water pressure ng concessionaires sa Metro Manila dahil sa patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam dahil sa epekto ng El Niño.

Sinabi ni MWSS spokesperson Engineer Patrick Dizon na tinalakay nila ito kasama ang National Water Resources Board (NWRB) sa layuning ibsan ang water consumption ng mga consumer, gayundin ay panatilihin ang water elevation sa Angat Dam.

Subalit, nilinaw niyang wala pang desisyon sa panukala.

“Ang iniiwasan natin ay ‘yung drastic na pagbagsak ng ating reservoir dahil sa consumption ng ating mga customer. Kaya sa ngayon, tinitignan natin kung paano natin mameme-maintain lamang ang bagsak ng daily decrease ng ating reservoir,” pahayag ni Dizon sa isang panayam.

Hanggang alas-6 ng umaga nitong Linggo, inihayag ng PAGASA na bumaba ang reservoir water level sa Angat Dam sa 201.70 metro mula sa 201.93 metro noong Sabado.

Mayroong normal high water level ang Angat Dam na 212.00 metro.

“Ang minimum operating level kasi ng ating Angat Dam is nasa 180 meters, so kapag below 180 meters ang ating Angat Dam ay minimal ang isu-supply sa ating irrigation. Ang ating Angat Dam ay isang multi-purpose dam so ang gumagamit niyan ay ang domestic water supply for the Metro Manila and ang irrigation naman dito sa Bulacan,” paliwanag ni Dizon.

“Ayun ang ating iniiwasan natin, na bumagsak ang ating elevation ng reservoir hanggang 180 meters kasi by that time, ay minimal na lang ang ire-release sa ating irrigation,” patuloy niya.

Sakaling magkaroon ng water interruption, sinabi ni Dizon na nakipag-usap na ang MWSS sa west zone concessionaire Maynilad Water Services Inc. (Maynilad) at east zone concessionaire Manila Water Company Inc. na ikasa ito ng alas-8 ng gabi o alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.

Sinabi ng state weather bureau PAGASA na iiral ang El Niño hanggang Marso-Abril-Mayo 2024, na may 74% tiyansang lumipat sa El Niño–Southern Oscillation (ENSO) neutral conditions sa Abril-Mayo-Hunyo 2024. RNT/SA