Home NATIONWIDE Dagdag-sahod ng tourism workers hirit ng labor group: P150 pang-kape lang

Dagdag-sahod ng tourism workers hirit ng labor group: P150 pang-kape lang

MANILA, Philippines- Kaya nang bayaran ng hotel owners ang mga manggagawa nito nang higit pa, sa pagbangon ng tourism industry mula sa pagkalugi nang tumama ang COVID-19 pandemic, ayon sa labor group nitong Linggo.

Ayon sa Federation of Free Workers (FFW), nakarekober na ang tourism sector mula sa epekto ng travel restrictions dahil sa global pandemic at ngayon ay “well-positioned” na upang suportahan ang dagdag-sahod para sa mga manggagawa.

Batay sa datos mula sa Department of Tourism (DOT), sinabi ng labor group na 5 milyong international tourists ang dumating sa Pilipinas, na nagbigay-daan upang kumita ang bansa ang halos P480 bilyon sa turismo noong 2023.

“FFW argues that the tourism industry is also well-positioned to support an increase in workers’ wages. This economic upturn suggests a strong capacity within the sector to accommodate the proposed P150 wage hike,” giit nito.

Lumabas sa DOT report na lumampas din ang international visitors ng bansa sa 1.2-million mark sa unang dalawang buwan ng 2024– mas mataas ng 22.89 porsyento kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Giit ng FFW, taliwas ito sa pahayag ni Philippine Hotel Owners Association (PHOA) president Arthur Lopez.

Sumulat ng liham si Lopez kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, at sinabing nasa “fragile state” pa ang industriya kasunod ng epekto ng COVID-19 pandemic.

Para sa hotel owners at managers, sinabi ng labor group, “P150 is just for coffee.”

“They should give some of that coffee money to their workers — regular, contractual, seasonal, or agency-supplied employees here in the Philippines,” dagdag ng FFW.

Gayundin, nanawagan ang grupo sa Kamara na pabilisin ang pagpasa sa counterpart bill sa Senate-approved P100 wage hike bill upang makamit na ng mga manggagawa ang dagdag-sahod na abot sa Labor Day sa Mayo 1.

Inaprubahan ang P100 daily minimum wage hike bill sa Senado noong Pebrero.

“Trade unions are aiming for a wage hike  announcement by the President Ferdinand Marcos Jr as a “workers’ gift” on May 1, Labor Day,” anito.

Nakatakdang bumoto ang House Committee on Labor sa Miyerkules para sa pag-usad ng wage hike proposal sa plenary deliberation. 

Tinutulan ng ilang asosasyon ng mga employer at business owners ang panukalang across-the-board wage hike.

Anito, magiging “disastrous” ito para sa micro, small, and medium enterprises dahil hindi makakayanan ng mga ito ang ganoon kalaking dagdag-sahod. RNT/SA

Previous articleWater pressure sa Angat Dam sinisilip bawasan sa pagbagsak ng reservoir
Next articleDMW: 63 Pinoy pauuwiin sa Pinas sa gitna ng kaguluhan sa Haiti