Home OPINION ZERO BUDGET, KAYA BA NG MGA KONGRESMAN?

ZERO BUDGET, KAYA BA NG MGA KONGRESMAN?

KAYA ba ng lahat ng mambabatas sa Kamara o House of Representatives na magtrabaho nang walang pondo?

Ito ang katanungan makaraang sabihin ni Vice President Sara Duterte na kaya nitong magtrabaho bilang Bise Presidente kahit “zero budget” ang Office of the Vice President lalo’t maliit lang umano ang kanyang opisina at kaunti lang ang kanyang tauhan na pasasahurin.

Nauna rito, iniipit ang pondo ng OVP ng nakararaming mambabatas dahil sa hindi pagsipot ni Inday Sara sa Kamara upang sagutin umano ang mga katanungan sa hindi nito gaano umanong maipaliwanag na P73 milyong confidential intelligence fund o CIF.

Itinanggi ni Inday Sara na may anomalya sa paggastos sa CIF at sinabi nitong nasa mga kongresman na kung aprubahan nila o hindi ang isinumite nitong panukalang badyet para sa OVP.

Inilabas din nito ang multibilyong pisong ipinatong ng mga kongresman sa kanyang badyet para sa pagtatayo ng mga classroom ng Department of Education na kanyang pinamunuan sa dalawang taon, Hulyo 2022-Hunyo 2024.

Noong 2023, makaraang maaprubahan ang P5 bilyong pondo para sa pagtatayo ng mga classroom, agad umanong naghanap ang ilang kongresman ang kanilang mapaparte sa pondo ngunit sinopla niya ang mga ito…kaya nagpatong ang mga ito ng multibilyong pisong badyet.

Naulit ang pagpapatong para sa taong ito at alam umano ito ng Senado.

Sinabi nitong wala ring silbi o kwenta ang dumalo sa deliberasyon dahil dalawang tao lang umano ang kumokontrol sa badyet – sina Speaker Martin Romualdez at House Appropriations Committee Chairman Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy Co.

Kaugnay nito, hindi naman papayag ang Senado na maalisan ng badyet ang OVP, lalo’t anomang oras, eh, magiging Pangulo si Inday Sara kung may mangyaring hindi maganda kay Pangulong Bongbong Marcos.

Anong malay nga natin kung maganap ang Article Vll, Section 8 ng Konstitusyong nagsasabing, “In case of death, permanent disability, removal from office, or resignation of the President, the Vice-President shall become the President to serve the unexpired term.”

Balikt tayo “zero budget”, sinong kongresman ang kakasa sa hamong ito ni Inday Sara?