Home NATIONWIDE Zubiri sa economic Cha-cha: ‘Nasa tamang landas kami sa Senado’

Zubiri sa economic Cha-cha: ‘Nasa tamang landas kami sa Senado’

MANILA, Philippines- Inihayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri nitong Biyernes na nasa tamang landas ang pagsasabatas ang panukalang amyendahan ang economic provision ng 1987 Constitution.

Sinabi ni Zubiri na magkakaroon pa ng tatlong pagdinig ang komite ni Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara bago isalang ang panukala sa plenaryo upang simulan ang debate. “And hopefully, putting it in a vote.”

”And we’re convincing our colleagues… that we have a three-fourth vote of this measure. We’re on track. We’re on track,” dagdag niya.

Sa kabilang dako, inaprubahan ng House Committee of the Whole ang Resolutions of Both Houses No. 7 (RBH 7), na naglalayong amyendahan ang 1987 Constitution upang payagan na itaas ang antas ng pamumuhunan ng dayuhan sa ilang industriya.

Paluluwagin ng Kongreso ang 40% foreign ownership na limitasyon sa education, public utilities, at advertising sectors sa pamamagitan ng pagdagdag ng pariralang “unless provided for by law.”

Si Angara ang may akda ng Resolution of Both Houses No. 6, sa Senate version ng resolusyon na naglalayong amyendahan ang economic provisions ng 1987 Constitution.

Siya rin ang chairman ng subcommittee na tumatalakay sa RBH No. 6.

Inihayag ni Angara na inaasahan ng liderato ng Senado na maisasalang sa plenary debates ang panukala bago ang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo.

“Ang usapan namin is madala na namin sa floor before the SONA, for debate ng buong Senado,” ayon kay Angara.

Inihayag naman ni Zubiri na malaking hamon na makakuha ng sapat na boto upang pagtibayin ang RBH No. 6 sa gitna ng bangayan sa pagitan ng Senado at ilang House members.

Bukod kina Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III at Deputy Minority Leader Risa Hontiveros, tutol din sa panukala sina Senador Cynthia Villar at Imee Marcos. Ernie Reyes

Previous articleMga kababaihan humataw sa Zumba Dance Competition 2024
Next article4 Pinoy na sangkot sa large-scale marriage fraud sa US sinintensyahan na