Home OPINION BFAR CHIEF NASAMPOLAN SA ANTI-CORRUPTION CAMPAIGN

BFAR CHIEF NASAMPOLAN SA ANTI-CORRUPTION CAMPAIGN

LALONG gumaganda ang direksiyon ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos sa pagwawalis ng mga corrupt sa pamahalaan. May mga nasampolan na at isa na rito si Bureau of Fisheries and Aquatic Resources director Demosthenes R. Escoto.

Nitong lamang huli, iniutos ng Office of the Ombudsman ang pagsibak kay Escoto dahil sa pagkakasangkot sa sinasabing maanomalyang pag-award ng P2 billion contract para sa Vessel Monitoring System Project noong 2018.

Laman ng desisyong aprubado ni Ombudsman Samuel R. Martires na guilty ang BFAR chief sa grave misconduct.

Nag-ugat ang paghahain ng administrative case kay Escoto dahil sa mga maling aksiyon habang nakaupong chairman ng Bids and Awards Committee ng BFAR.

Ayon sa anti-graft body, nauwi ang mga maling desisyon ni Escoto, bilang pinuno ng BAC, sa pag-award ng paborableng kontrata sa SRT Marine Systems Solutions Ltd. na nakabase sa United Kingdom.

Ang SRT-UK ang magsusuplay ng teknolohiya at mga kagamitan (tulad ng VMS transmitters) para sa Phase 1 ng Marine Environment Monitoring System Project o PHILO Project.

Layon ng PHILO Project na maprotektahan ang exclusive economic zone ng bansa kontra illegal fishing sa pamamagitan nang paglalagay ng VMS sa malalaking commercial fishing vessels para mamatyagan ang mga ito.

Ang PHILO Project ay inisyal na popondohan ng P1.6 bilyon sa pamamagitan nang pag-utang sa pamahalaan ng France kung kaya dapat na French o may ka-joint venture na isang French company ang sinomang bidder.

Nauna nang nakuha ng SRT-France ang kontrata noong 2017 subalit hindi naman ito kinilala ng France dahil British naman pala ang may-ari ng kompanya.

Natuklasan din na isang buwan pa lang na naitatayo ang SRT-France at wala itong mga pasilidad sa France kung kaya kumalas na lamang sa loan agreement ang French government.

Kasalanan talaga ito ni Escoto dahil bilang BAC chairman ay dapat mahigpit niyang binabantayan ang requirements at qualifications, pero bakit nalusutan siya?

Ang nakagugulat pa, noong 2018 o nang sumunod na taon, ay ang SRT-UK naman ang nanalong bidder at itinaas pa ang budget ng proyekto sa P2.09 bilyon na locally-funded na. ‘Di ba nakapanghihinayang ang loan commitment ng France? Imbes na ibang bansa sana ang gagastos, tayo na tuloy ngayon.

Sinabi ng Ombudsman na malinaw na ginamit ni Escoto ang pagiging BAC chairman upang mapaboran sa pagkopo ng proyekto ang SRT-France at SRT-UK.

Lumitaw rin na ipinilit ni Escoto na umorder ng 5,000 units ng VMS transreceivers kahit 3,736 lang naman ang kailangan.

Si Escoto sa pagkakaalala natin ang sinasabi na siyang may pakana ng pekeng galunggong shortage.