Home OPINION GARGANTUAN JOB NAG-AANTAY SA BAGONG HEPE NG CIDG

GARGANTUAN JOB NAG-AANTAY SA BAGONG HEPE NG CIDG

SA dami ng problemang kinakaharap ng administrasyong Marcos kaugnay sa seguridad ng bansa lalo na sa aspeto nang lumalalang cybercrime, kailangang laging alerto ang Philippine National Police.

Hindi biro at matatawarang pagsubok ito sa PNP na ang ikatatagumpay ay nasa kamay at diskarte ni P/Gen. Rommel Marbil na naitalaga ng Pangulong Marcos bilang PNP Chief isang buwan na ang nakararaan.

Sa PNP, ang Criminal Investigation and Detection Group ang nagtatrabaho ng malalaki o sensational cases lalo na kapag kaugnay sa economic sabotage dahil ang expertise ng mga nakatalaga rito ay investigation at police operation.

Kaya dapat lang asahan ng bagong talagang hepe ng CIDG na si P/MGen Leo “Paco” Francisco  ang napakalaking trabaho o gargantuan job na mapaipapatong  sa kanyang balikat kapag nagsimula ang kanyang tour of duty sa Biyernes, May 3.

Kilala sa tawag na Gen. Paco, si Francisco ay isa sa iilan na lamang na miyembro ng Philippine Military Academy Tanglaw Diwa  Class ’92, pinakahuling PMAyers na magsisilbi sa PNP.

Right choice, anila, si Francisco dahil sa  mga achievement nito bilang opisyal ng iba’t ibang unit ng pulisya. Humawak ang heneral ng iba’t ibang posisyon tulad ng pagiging district director ng Manila Police District kungsaan nakakuha siya ng iba’t ibang accomplishment.

Nagpamalas ng galing si Francisco sa MPD na mula sa may mataas na crime rate ay nagawa niyang peaceful kaya matatag ang Lungsod ng Maynila at nagtuloy-tuloy ang pagkilala sa mga tauhan ng MPD bilang Manila’s Finest.

Mula MPD, nahirang na regional commander sa Western Visayas o Police Regional Office 6  haggang hugutin pabalik ng Crame para pamunuan ang PNP Directorate for Operations at sumunod ang Directorate for Investigation and Detective Management.

Sa kasaysayan ng PMA, ang bagong hepe ng CIDG ang kaisa-isang cavalier (tawag sa  nagtapos sa PMA) na awardee for police operations nang dalawang beses – una ay noong 2010 at sumunod noong 2022.

Sa ipinakitang track record, tiwala tayong magagampanan  ni Gen. Paco ang bagong assignment ‘with flying colors’.