Home OPINION HUWAG KUKURAP SA MGA OFW SA ME

HUWAG KUKURAP SA MGA OFW SA ME

HINDI dapat kukurap ang pamahalaan at mga overseas Filipino worker sa nagaganap sa Middle East, lalo na kaugnay ng mga OFW na apektado ng Iran-Israel war at Hamas-Israel war.

Hindi sapat, halimbawa, ang pagdedeklara ng Department of Migrant Workers na magdeklara ng mga pook sa mga karagatan na High Risk Area o HRA alang-alang sa mga marinong Pinoy.

Sa tulong ng Pilipinas, idineklara na ng International Bargaining Forum ang Red Sea at buong Gulf of Aden na HRA dahil sa mga pag-atake sa mga barkong sibilyan at militar ng mga Houthi kaugnay ng giyera sa Gaza sa pagitan ng Israel at Hamas.

Kabilang sa mga usapin dito ang karapatan ng mga marino na tumanggi na sumakay sa mga barko at bumiyahe sa mga lugar na ito.

Matatandaang may dalawang namatay na marinong Pinoy sa binomba ng mga Houthi na barkong True Confidence sa Gulf of Aden nitong Marso 7, 2024.

Ilang beses na ring may mga Pinoy crew na nabihag sa mga barkong hinaharang sa Red Sea at Gulf of Aden.

May bagong harang sa Strait of Hormuz na pasukan sa Persian Gulf mula sa Gulf of Oman nitong nakaraang Sabado lamang.

Ang bansang Iran ang humarang sa MSC Aries na may mahigit 25 crew, kabilang ang apat na Pinoy.

Kung kumapit ang mga Pinoy crew sa karapatan nilang hindi sila sasakay ng mga barko at bibiyahe sa mga HRA, ano sa palagay ninyo ang hahantungan nito?

Pinakamasamang bunga nito ang simpleng pagtanggi ng mga employer na tumanggap sa mga Pinoy at pagsipa sa mga ito bilang mga empleyado.

Saan patutungo ang ganitong masamang problema?

MAHIGIT 2M PINOY SA ME

Ayon mismo sa DMW, may mahigit sa dalawang milyon ang nakakalat na OFW sa buong Middle East mula sa Israel, Lebanon, Jordan, Syria, Egypt hanggang sa Saudi Arabia, Qatar, United Arab Emirates at iba pa.

Nitong nakaraang mga linggo at araw, binomba ng Isarel ang konsulado ng Iran sa Damascus, Syria na ikinamatay ng ilang matataas na opisyal ng Iran.

Nitong nakaraang ilang araw, pinaputukan naman ng Iran nang direkta ang Israel ng mga missile at drone.

At sa huli, mga Bro, naghahanda na rin ang Israel para umatake mismo sa Iran sa hindi pa malamang paraan at araw.

Subalit nauna nang sinabi ng Israel na target nito ang mga plantang nukleyar ng Iran na ginagamit sa malapit nang pagkakaroon ng huli ng bombang nukleyar.

May bombang nukleyar na ang Israel at nais tapatan ng Iran.

Kapag nagkaroon ng higit na pagsabog ang giyera ng Israel at Iran, diyan na apektado ang mahigit dalawang milyong OFW sa nasabing rehiyon ng mundo.

NASAAN ANG MGA PAGHAHANDA?

Nasaan na ang mga paghahanda para sa posibleng malakihang pagbabakwit, lalo na sa parte ng pamahalaan?

Ano naman kaya ang mga pagkilos ng mga OFW para maligtas sila sa mga posibleng panganib mula sa pagkakasugat at kamatayan?

Ang pagkasibak sa trabaho ng marami na may malaking epekto sa mga pamilya-OFW sa Pilipinas na maaaring doble o triple sa bilang na dalawang milyon, paano?