Home METRO Negosyante nalambat sa illegal na pagbebenta ng LPG sa Pasay

Negosyante nalambat sa illegal na pagbebenta ng LPG sa Pasay

MANILA, Philippines – Arestado ang isang 42-taong-gulang na negosyante dahil sa ilegal na pagbebenta, distribusyon at pag-refill ng produktong liquefied petroleum gas (LPG) sa Pasay City nitong Biyernes, Marso 22.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Mario Mayames, Jr. ang negosyanteng si alyas John na nadakip ng pinagsanib na pwersa ng Station Investigation and Detective Management Office (SIDMO) at Police Substation 6 dakong 3:15 ng hapon sa Edang St. in Barangay 155, Pasay City.

Sinabi ni Mayames na ang pagkakaaresto kay alyas John ay bunsod sa ipinatupad na search warrant na inisyu ni Pasay City Regional Trial Court (RTC) Judge Josephine M. Advento ng Branch 111 nito lamang Marso 18, 2024 dahil sa paglabag sa Industry Regulation Act at Intellectual Property Code of the Philippines.

Sa pagpapatupad ng search warrant ay nakumpiska sa lugar ni alyas John ang 41 tangke ng Island Gas LPG.

Ayon kay Mayames, nag-ugat ang pagsasagawa ng search warrant laban kay alyas John makaraang makatanggap ang pulisya ng mga reklamo tungkol sa ilegal na operasyon ng negosyo ng suspect na walang pahintulot mula sa Island Air Products Corporation.

Pinaalalahanan naman ng Southern Police District (SPD) ang publiko na sumunod sa ipinatutupad na batas at regulasyon na may kinalaman sa paggamit at distribusyon ng LPG na nagpapatibay sa kahalagahan at responsableng pagsasanay sa nabanggit na industriya. James I. Catapusan

Previous articleClau, nagsalita no-show ni Jodi!
Next articleNSCR NA PAPALIT SA PNR, MAS LIGTAS, MAS MABILIS AT EPISYENTE