Home NATIONWIDE Paggamit ng sirena at blinker ng gov’t, private vehicles isumbong – LTO

Paggamit ng sirena at blinker ng gov’t, private vehicles isumbong – LTO

MANILA, Philippines – Hinimok ng Land Transportation Office (LTO) ang publiko na isumbong ang mga government at private vehicle na illegal na gumagamit ng sirena at blinker.

Sa pahayag nitong Huwebes, Mayo 9, sinabi ng ahensya na maaaring magpadala ang concerned citizens ng mensahe sa “Aksyon on the Spot” mobile number ng LTO sa 09292920865 kung makasakto ng sasakyan na lumalabag sa paggamit ng mga blinker at sirena.

Maaari ring isumbong ang mga online scammer na nagpapanggap bilang LTO at nagpapadala ng pekeng traffic violations.

“Matagal na po tayong nagpa-plano na magkaroon ng isang reliable hotline ang inyong LTO bilang tugon sa direktiba ng ating DOTR [Department of Transportation] Secretary Jaime Bautista na lalo pang paigtingin ang road safety measures dahil nga sa mga nangyayaring road rage at kampanya na rin natin laban sa mga colorum vehicles,” saad sa pahayag ni LTO chief and Assistant Secretary Vigor Mendoza II.

“Subalit lalo pa po nating itong pinamadali nang maglabas ng kautusan ang ating Pangulo Bongbong Marcos na laban sa iligal na paggamit ng sirens and blinkers para magkaroon ng reliable na platform ang ating mga kababayan sa kanilang mga reklamo laban sa mga sumusuway sa kautusan ng ating Pangulo,” dagdag pa niya.

Ang tinutukoy ni Mendoza ay ang administrative order ni Marcos na nagbabawal sa lahat ng mga opisyal ng pamahalaan at mga tauhan na gumamit ng sirena, blinker at iba pang kaparehong device sa pagdudulot nito ng “traffic disruptions and unsafe road and traffic environment.”

Sa direktiba, exempted naman sa paggamit nito ang mga fire truck, ambulansya, at iba pang emergency vehicles, Armed Forces of the Philippines, National Bureau of Investigation, at Philippine National Police. RNT/JGC