Home NATIONWIDE Rice Tariffication Law extension suportado ng Agri chief

Rice Tariffication Law extension suportado ng Agri chief

UPANG mas mapabuti ang pagsasaka ng mga magsasaka sinusuportahan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang iminungkahing pagpapalawig ng Rice Tariffication Law (RTL) sa loob ng anim na taon, kung saan ang panukala ay nakatakdang mag-expire sa susunod na taon pagkatapos maisabatas noong 2019.

Ayon sa Department of Agriculture (DA), itinutulak ni Tiu Laurel ang mas mataas na alokasyon para sa pagpapabuti ng competitiveness ng mga magsasaka, at para sa mga proyekto na isama ang postharvest facilities na maaaring magpalakas ng rice recovery.

“Definitely, I think dapat i-extend. But there should be adjustments so we can adapt to the times… Less waste means more income for our rice farmers,” ayon sa pahayag.

Nagkabisa ang Rice Tariffication Law noong Marso 5, 2019, matapos itong pirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ilalim ng Republic Act 11203 noong Pebrero ng parehong taon.

Kaugnay nito ang panukala ay nagpapahintulot sa walang limitasyong pag-aangkat ng bigas hangga’t ang mga negosyante ng pribadong sektor ay nakakuha ng phytosanitary permit mula sa Bureau of Plant Industry at nagbabayad ng 35-porsiyento na taripa para sa mga padala mula sa mga kapitbahay sa Southeast Asia.

Ang batas ay naglalaan ng P10 bilyon para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), kung saan P5 bilyon ang ilalaan sa farm mechanization at P3 bilyon sa mga punla. Ang pondo ay naglalayon na tiyakin na ang pag-angkat ng bigas ay hindi lulunurin ang sektor ng agrikultura at nakawan ang mga magsasaka ng kanilang kabuhayan.

Sa ulat ng Department of Agriculture (USDA) ng United States, tinatayang umaangkat ang Pilipinas ng 3.8 million metric tons (MT) ng bigas ngayong taon, matapos sabihin ng Bureau of Plant Industry (BPI) na nakakuha ang bansa ng 3.22 million MT. ng bigas mula Enero 1 hanggang Disyembre 22, 2023. (Santi Celario)