MANILA, Philippines – Mahigit isang daang reservists ang ipinadala sa Batanes kasunod ng utos ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na dagdagan ang mga tauhan sa pinakahilagang probinsya ng bansa na nakahrap sa Taiwan.
Nasa kabuuang 126 reservists, karamihan ay mga Ivatan o residente ng Batanes, ay dumalo sa graduation ceremony sa Basco, Batanes.
Sinabi ng Naval Forces Northern Luzon na higlight ang naval recruitment program “in light of the guidance from [Teodoro] for an increased Armed Forces of the Philippines in Basco, Batanes.”
Hindi naging maganda ang pagtanggap ng China sa kautusan ni Teodoro na dagdagan pa ang mga tropa sa Batanes, kung saan inakusahan pa ang Manila na “playing with fire” sa isyu sa Taiwan.
Sa kabila nito, sinabi ni Defense spokesperson Arsenio Andolong na walang pakialam ang China kung anuman ang gagawin ng Pilipinas sa mga lugar na sakop ng teritoryo nito.
Aniya, ang plano ni Teodoro ay bahagi ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept ng Department of National Defense upang tugunan ang vulnerabilities ng bansa at palakasin ang kapabilidad na depensahan ang national interests nito. RNT/JGC